top of page

El Niño Task Force, binuo sa Bulacan bilang paghahanda sa posibleng tagtuyot

Oct 10
1 min read

MALOLOS, Bulacan — Inaprubahan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) ng Bulacan ang panukalang pagbuo ng El Niño Task Force upang paghandaan ang posibleng kakulangan sa tubig, epekto sa agrikultura, at mga panganib sa kalusugan dulot ng El Niño.

Pinangunahan ni Gobernador Daniel R. Fernando ang pagpupulong sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center, kung saan tinalakay ang mga hakbang upang mapanatili ang suplay ng tubig, seguridad sa pagkain, kuryente, kalusugan, at kaligtasan ng publiko.

Sa ilalim ng panukalang executive order, pamumunuan ng gobernador ang task force kasama ang Provincial Science and Technology Office bilang co-chairperson. Magkakaroon din ng mga nakatalagang tanggapan para sa bawat pangunahing sektor, habang ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ang magsisilbing kalihiman.

Ayon sa climate outlook na ipinrisinta ni Julie M. Nimes ng PAGASA, posibleng makaranas ang Bulacan ng dry conditions hanggang Nobyembre 2026, dry spell mula Disyembre 2026 hanggang Enero 2027, at tagtuyot mula Pebrero hanggang Marso 2027.

Naglatag din ng kani-kanilang mga hakbang sa paghahanda ang mga tanggapan at ahensiyang may kinalaman sa agrikultura, tubig, kalusugan, imprastraktura, edukasyon, kuryente, at iba pang pangunahing serbisyo.

Binigyang-diin ni Fernando ang kahalagahan ng maagap na koordinasyon at malinaw na responsibilidad ng bawat ahensiya upang mabawasan ang posibleng epekto ng El Niño sa mga pamilyang Bulakenyo, lalo na sa mga magsasaka at komunidad na maaaring makaranas ng kakulangan sa tubig.

Comments


Top Stories

Stay updated with the latest news from Pulilan. Subscribe to our newsletter for instant updates.

Contact us

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter

© 2023 by Pulilan News Hub. All rights reserved.

bottom of page