top of page

Mga mangingisda sa Bulacan, nagsagawa ng fluvial protest sa World Food Day

4 hours ago
2 min read

OBANDO, Bulacan — Nagsagawa ng kilos-protesta sa karagatan o fluvial protest ang mga miyembro ng Samahan ng mga Mandaragat ng Bulacan (SAMA-Bulacan) noong Biyernes, Oktubre 16, 2026, kasabay ng paggunita sa World Food Day upang ipahayag ang kanilang pangamba sa lumiliit na pangisdaan at lumalalang suliranin sa kabuhayan at pagkain.

Ayon sa grupo, patuloy na naaapektuhan ang mga mangingisda sa mga baybaying komunidad ng Bulacan dahil sa mga reclamation project at pagkuha ng malalawak na palaisdaan na umano'y nananatiling hindi ginagamit.

Sinabi rin ng SAMA-Bulacan na nadagdagan ang kanilang mga suliranin matapos ang mga nagdaang storm surge at malalaking alon na dulot ng habagat. Nangangamba rin ang grupo sa posibleng epekto ng El Niño sa dami ng kanilang huli at araw-araw na kita.

“Ngayong World Food Day, ang mga mangingisda ay walang makain. Hindi na sapat at kulang na kulang ang kinikita namin sa magdamag na paghahanapbuhay sa dagat, habang nag-aagawan kami na makapwesto ng aming mga lambat sa makikitid na natitirang pangisdaan,” pahayag ni Jorwel Gusi, pangulo ng SAMA-Bulacan.


Nanawagan ang grupo sa San Miguel Corporation (SMC) na pahintulutan ang mga lokal na mangingisda na pansamantalang magamit ang mga hindi pa nade-develop na palaisdaang nakuha umano ng kumpanya sa kahabaan ng Manila Bay.

Iginiit ng SAMA-Bulacan na makatutulong ang pagbubukas ng mga naturang lugar upang magkaroon ng karagdagang mapagkukunan ng kabuhayan ang mga pamilyang umaasa sa pangingisda.

Muli ring nanawagan ang grupo ng pakikipagdayalogo sa mga kinatawan ng SMC upang pormal na maiharap ang kanilang kahilingan.

Sa pamamagitan ng kanilang pagkilos, binigyang-diin ng mga mangingisda ang kaugnayan ng pangangalaga sa mga pangisdaan, seguridad sa kabuhayan, at pagkakaroon ng sapat na pagkain para sa kanilang mga pamilya.


Comments


Top Stories

Stay updated with the latest news from Pulilan. Subscribe to our newsletter for instant updates.

Contact us

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter

© 2023 by Pulilan News Hub. All rights reserved.

bottom of page