top of page

2 arestado sa magkahiwalay na buy-bust sa Bulacan; ₱50K halaga ng hinihinalang shabu nasamsam


BULACAN — Dalawang drug suspect ang naaresto habang mahigit ₱50,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam sa magkahiwalay na buy-bust operation sa Meycauayan City at Doña Remedios Trinidad (DRT) noong Agosto 28, ayon sa Bulacan Police Provincial Office (PPO).

Sa Brgy. Pajo, Meycauayan City, nagsagawa ng operasyon ang City Drug Enforcement Unit bandang alas-4:17 ng madaling araw. Ayon kay PLTCOL Melvin M. Florida Jr., hepe ng Meycauayan City Police Station, tatlong sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga umano ng ₱29,716 ang nakumpiska mula sa naarestong suspek.

Narekober din umano sa operasyon ang isang improvised firearm o pen gun, isang live caliber .40 ammunition, at buy-bust money.

Samantala, isa pang suspek ang naaresto sa buy-bust operation sa Brgy. Pulong Sampaloc, Doña Remedios Trinidad bandang alas-8:20 ng gabi. Ayon kay PMAJ Marc Henry SJ Gonzales, hepe ng DRT Municipal Police Station, tatlong sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng ₱20,400 at buy-bust money ang nakumpiska.

Sa kabuuan, tinatayang ₱50,116 ang halaga ng hinihinalang ilegal na droga na nasamsam sa dalawang operasyon. Isasailalim ang mga nakumpiskang drug evidence sa kaukulang laboratory examination.

Nahaharap ang dalawang suspek sa mga reklamong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act No. 9165, habang nahaharap din sa karagdagang reklamong paglabag sa RA 10591 ang suspek na naaresto sa Meycauayan dahil sa nakumpiskang baril at bala.

Comments


Top Stories

Stay updated with the latest news from Pulilan. Subscribe to our newsletter for instant updates.

Contact us

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter

© 2023 by Pulilan News Hub. All rights reserved.

bottom of page