top of page

25 Tatak Bulakenyo MSMEs, ganap nang ‘ASEAN-ready’


Shane F. Velasco/PIA 3
Shane F. Velasco/PIA 3

MALOLOS CITY, Bulacan — Ganap nang “ASEAN-ready” ang unang 25 Tatak Bulakenyo micro, small and medium enterprises (MSMEs) sa pamamagitan ng mga programa at estratehiya sa ilalim ng One Town, One Product (OTOP) Next Generation Program ng Department of Trade and Industry (DTI).

Ayon kay DTI Bulacan Provincial Director Coco Chanel Garcia-Yap, patuloy na inihahanda ang mga lokal na negosyo upang makapasok sa mas malalaking merkado sa rehiyon. Mula Enero hanggang Hulyo 2026, umabot sa 9,516 bagong MSMEs ang nairehistro sa Bulacan, kung saan 5,373 ang kabilang sa mga prayoridad na industriya gaya ng kape, kakao, kawayan, processed foods at wearables.

Kabilang sa mga pamantayan upang maituring na ASEAN-ready ang pagkakaroon ng mga kinakailangang certification at permit gaya ng Halal certification, Food and Drug Administration certification at license to operate, gayundin ang paggamit ng digital marketing platforms.

Sa Bulacan, kabilang sa 25 ASEAN-ready Tatak Bulakenyo MSMEs ang mga negosyong gumagawa ng ube products, buko pie, mushroom chips, cornics at condiments. Kabilang din ang ilan sa humigit-kumulang 30 exporters na natulungan ng DTI na makapasok sa mga bansang may free trade agreements sa Pilipinas.

Patuloy ding nagbibigay ang DTI ng suporta para sa Halal certification, kabilang ang subsidiya at libreng pagsasanay sa Halal Basics and Certification Procedures, upang mas maraming lokal na negosyo ang magkaroon ng pagkakataong makapasok sa merkado ng mga bansang ASEAN na may malaking Muslim population.

Bukod sa market development at certification assistance, nagbibigay din ng access sa puhunan sa pamamagitan ng Small Business Corporation. Mula Enero hanggang Hunyo 2026, umabot sa ₱74.8 milyon ang naipahiram sa 94 MSMEs sa Bulacan.

Layunin ng mga programang ito na mas maraming negosyong Bulakenyo ang maging competitive, maging exporters, at magkaroon ng mas malawak na access sa regional at international markets.

Comments


Top Stories

Stay updated with the latest news from Pulilan. Subscribe to our newsletter for instant updates.

Contact us

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter

© 2023 by Pulilan News Hub. All rights reserved.

bottom of page