top of page

Angat Dam water level tumaas ng halos 30 metro matapos ang sunod-sunod na pag-ulan


Photo by Carmela Reyes-Estrope
Photo by Carmela Reyes-Estrope

MALOLOS CITY, Bulacan — Umakyat ng halos 30 metro ang water level ng Angat Dam matapos ang halos tatlong linggong pag-ulan dulot ng mga Bagyong Luis at Maymay at ng Southwest Monsoon o Habagat.

Batay sa datos ng Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), naitala sa 179.85 meters above sea level (masl) ang lebel ng tubig alas-6:00 ng umaga noong Agosto 14 bago ito umakyat sa 180.37 masl pagsapit ng alas-11:00 ng umaga.

Malaking pagtaas ito mula sa 150.55 masl na naitala noong Hulyo 26, na iniulat na pinakamababang lebel ng reservoir. Noong Agosto 8, nanatili pa ito sa kritikal na antas na 159.29 masl.

Mabilis na napunan ang reservoir dahil sa mga pag-ulang dala ng Bagyong Luis noong huling bahagi ng Hulyo, sinundan ng Bagyong Maymay at ng pinalakas na Habagat nitong Agosto.

Mula 161.30 masl noong Agosto 9, umakyat ang water level sa 170.70 masl kinabukasan. Sa loob lamang ng ilang araw, nagpatuloy ang mabilis na pagtaas hanggang malampasan nito ang 180-masl mark.

Gayunman, nananatiling mas mababa ang kasalukuyang lebel kumpara sa normal high-water elevation na nasa 210 hanggang 212 masl.

Mahalaga ang Angat Dam bilang pangunahing pinagkukunan ng tubig ng Metro Manila. Sinusuportahan din nito ang hydroelectric power generation, domestic water requirements sa Bulacan, at irigasyon ng mahigit 27,000 ektarya ng palayan na pinakikinabangan ng mahigit 22,000 magsasaka sa Bulacan at Pampanga.

Comments


Top Stories

Stay updated with the latest news from Pulilan. Subscribe to our newsletter for instant updates.

Contact us

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter

© 2023 by Pulilan News Hub. All rights reserved.

bottom of page