top of page

Baradong daluyan, istruktura at kulang na flood control tinukoy na sanhi ng matagalang baha sa ilang lugar sa Bulacan

Sep 4
2 min read

MALOLOS CITY, Bulacan — Iniutos ni Governor Daniel R. Fernando sa mga kinauukulang national government agencies at local government units na magsagawa ng magkakaugnay na aksyon upang tugunan ang mga natukoy na sanhi ng matagalang pagbaha sa ilang lugar sa Bulacan.

Sa coordination meeting sa The Capitol Hostel, iniulat ni Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) chief Manuel M. Lukban Jr. na hindi high tide ang pangunahing dahilan ng pagbaha sa mga unang lugar na kanilang sinuri.

Kabilang sa mga tinukoy na problema ang mga nakaharang na puno at halaman sa natural waterways, informal settlements at iba pang istruktura, maputik na ilog at sapa, hindi wastong pagtatapon ng basura, at barado, sira o mababang culvert. Natukoy din ang mga puwang o kawalan ng dike at river wall, kulang o substandard na water pump, makikitid na floodway at hindi napapanatiling floodgate.

Kabilang sa mga unang lugar na sinuri ang Longos at Bulihan sa Malolos, Malis sa Guiguinto, Panginay sa Balagtas, Masuso sa Pandi, at Saluysoy sa Meycauayan. Nakatakda ring magsagawa ang PDRRMO ng karagdagang pagsusuri sa iba pang flood-prone barangay sa lalawigan.

Inatasan ni Fernando ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na alamin kung may nakapaloob nang flood mitigation projects para sa mga naturang lugar sa mga aprubado at pinondohang proyekto sa ilalim ng General Appropriations Act. Inatasan din ang National Irrigation Administration (NIA) na tiyaking walang nakaharang sa mga waterways na saklaw nito, habang hiniling sa Department of the Interior and Local Government (DILG) na tiyakin ang pagpapatupad ng wastong solid waste management sa mga barangay.

“Magtulung-tulong po tayo, magsama-sama tayo. Huwag tayo magturuan kung sino ang gagawa. Gawin po natin ang ating magagawa alang-alang sa ating mga kapwa Bulakenyo,” pahayag ni Fernando.

Plano rin ng Pamahalaang Panlalawigan na bumili ng backhoes on barge, vacuum jetting trucks at mobile pumps gamit ang Quick Response Fund bilang bahagi ng mga hakbang laban sa pagbaha.

Ayon sa gobernador, makikipag-ugnayan ang mga tanggapan ng kapitolyo sa kanilang national government counterparts upang makapagpatupad ng parehong agarang interbensyon at pangmatagalang solusyon sa problema ng pagbaha sa Bulacan.

Comments


Top Stories

Stay updated with the latest news from Pulilan. Subscribe to our newsletter for instant updates.

Contact us

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter

© 2023 by Pulilan News Hub. All rights reserved.

bottom of page