top of page

Bawas Pasanin o Pagkawala ng Oportunidad?



Sa loob ng mahigit isang dekada, bahagi na ng sistema ng edukasyon sa bansa ang K-12 Program. Ngunit sa kasalukuyan, muling naging mainit na paksa ang usapin sa edukasyon matapos imungkahi ni Senador Robin Padilla ang pagtanggal sa Senior High School at ang pagbabalik sa dating sistema ng pag-aaral na binubuo lamang ng kindergarten, anim na taon sa elementarya at apat na taon sa high school.


Ayon sa kanya, ang layunin niyang bawasan ang pasanin ng mga magulang at mag-aaral. Binigyang-diin niya na ang dagdag na dalawang taon sa pag-aaral ay nagdudulot ng malaking gastos—mula sa baon, pamasahe, mga kagamitan sa eskwela, hanggang sa pagkawala ng kita ng mga mag-aaral na maaaring magtrabaho upang tumulong sa pamilya. Idinagdag pa niya na maraming kabataan ang napipilitang huminto sa pag-aaral dahil sa hirap na tustusan ang mga pangangailangan sa panahon ng SHS.


“Maraming pamilyang Pilipino ang nahihirapan, at hindi dapat maging hadlang ang kahirapan para makapagtapos ang ating mga anak,” pahayag ng senador. Naniniwala siya na ang orihinal na sistema ay sapat na upang magbigay ng sapat na kaalaman at kasanayan, at hindi na kailangan ang karagdagang dalawang taon upang maging handa ang mga kabataan sa pagpasok sa kolehiyo o pagtatrabaho.


Gayunpaman, hindi ito ang pananaw ng maraming edukador, eksperto, at iba pang kinauukulan. Ayon sa kanila, ang pagtatanggal sa SHS ay maaaring magdulot ng mas malalaking suliranin sa hinaharap. Binibigyang-diin nila na ang programa ay dinisenyo upang ihanda ang mga mag-aaral sa mas mataas na antas ng pag-aaral at sa mundo ng trabaho. Sa panahon ngayon na mabilis ang pagbabago sa teknolohiya at mga pangangailangan ng industriya, sinasabing mas mahalaga na magkaroon ng sapat na oras upang matutunan ang mga kasanayang kailangan ng mga kabataan.


May mga nagbabala rin na maaaring maging mas mababa ang antas ng kakayahan ng mga magtatapos kung babalik sa dating sistema. Ayon sa mga kalaban ng panukala, ang SHS ay nagbigay-daan din upang mabawasan ang bilang ng mga walang sapat na kasanayan na naghahanap ng trabaho, dahil ang mga nagtapos ay mayroon nang espesyal na kaalaman na maaari nilang gamitin sa iba’t ibang larangan.


Sa kabilang banda, marami rin ang sumusuporta sa panukala ni Senador Padilla. Para sa kanila, ang priyoridad ay ang pagtiyak na ang bawat mag-aaral ay makakapag-aral hanggang sa matapos ang kurso, anuman ang kanilang katayuan sa buhay. Naniniwala sila na hindi magiging kapaki-pakinabang ang isang sistema ng edukasyon kung marami namang napipilitang huminto sa gitna dahil sa kakulangan ng pondo.


Ang usaping ito ay nagpapakita lamang na ang edukasyon ay isang komplikadong isyu na may dalawang panig na dapat pag-isipan. Ang balanse sa pagitan ng pagpapabuti ng kalidad ng pagkatuto at pagtugon sa mga pangangailangan at kakayahan ng mga pamilyang Pilipino ay hindi madaling makamit.


Sa kasalukuyan, nasa proseso pa lamang ang pagtalakay sa panukalang ito sa Kongreso. Mahalagang makinig sa boses ng mga guro, magulang, mag-aaral, at mga eksperto upang makabuo ng desisyong makabubuti sa kinabukasan ng mga kabataan at ng buong bansa. Ang tunay na layunin ng anumang pagbabago sa sistema ng edukasyon ay dapat na magbigay ng pantay na oportunidad at de-kalidad na pagkatuto para sa lahat, nang walang sinuman ang maiwan sa gitna ng pag-unlad.

Comments


Top Stories

Stay updated with the latest news from Pulilan. Subscribe to our newsletter for instant updates.

Contact us

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter

© 2023 by Pulilan News Hub. All rights reserved.

bottom of page