top of page

Bulacan, asahan ang hanggang 100 mm na ulan ngayong araw at bukas dahil sa Habagat


BULACAN — Patuloy na makararanas ng malakas na pag-ulan ang Bulacan at iba pang bahagi ng Luzon dahil sa Southwest Monsoon o Habagat, ayon sa Weather Advisory No. 66 ng PAGASA na inilabas alas-5:00 ng umaga ngayong Agosto 18.

Ngayong araw, inaasahang makapagtatala ang Bulacan ng 50 hanggang 100 millimeters (mm) na ulan, kasama ang Metro Manila, Ilocos Sur, Abra, Tarlac, Pampanga, Nueva Ecija, Laguna, Rizal, Oriental Mindoro, at Antique.

Mas mataas na 100 hanggang 200 mm na ulan naman ang inaasahan sa Benguet, La Union, Pangasinan, Zambales, Bataan, Cavite, Batangas, at Occidental Mindoro.

Bukas, Agosto 19, nananatili sa 50 hanggang 100 mm ang rainfall outlook para sa Bulacan, habang posible pa ring umabot sa 100 hanggang 200 mm ang ulan sa Benguet, La Union, Pangasinan, Zambales, Bataan, at Occidental Mindoro.

Ayon sa PAGASA, maaaring mas mataas pa ang aktuwal na dami ng ulan sa mga bulubundukin at matataas na lugar. Maaari ring lumala ang epekto nito sa mga lugar na nakaranas na ng malaking volume ng ulan nitong mga nakaraang araw.

Pinapayuhan ang mga residente na manatiling alerto sa posibilidad ng pagbaha at pagguho ng lupa, habang inaatasan ang mga lokal na disaster risk reduction and management offices na magsagawa ng mga kinakailangang hakbang upang maprotektahan ang buhay at ari-arian.

Para sa mas agarang kondisyon ng pag-ulan at mga desisyong tulad ng suspensyon ng klase, pinapayuhan ang publiko na bantayan ang Heavy Rainfall Warnings na inilalabas ng kani-kanilang PAGASA Regional Services Division.

Comments


Top Stories

Stay updated with the latest news from Pulilan. Subscribe to our newsletter for instant updates.

Contact us

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter

© 2023 by Pulilan News Hub. All rights reserved.

bottom of page