top of page

BULACAN AT ILANG LUGAR SA LUZON, NAKARANAS NG BANTA NG MALAKAS NA ULAN DAHIL KAY BAGYONG INDAY AT HABAGA


MANILA — Naglabas ng Weather Advisory No. 17 ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration nitong Biyernes, Hulyo 10, kaugnay ng epekto ng Bagyong Inday at ng umiiral na Southwest Monsoon o Habagat.


Ayon sa PAGASA, inaasahan ang katamtaman hanggang malakas na pag-ulan sa Bulacan, Pampanga, Metro Manila, Rizal, Cavite, Laguna, Batangas, Zambales, Bataan, Oriental Mindoro, Romblon, Palawan at iba pang lalawigan mula ngayong araw hanggang Sabado ng hapon, Hulyo 11.


Samantala, inaasahan namang makararanas ng malakas hanggang matinding pag-ulan ang Occidental Mindoro at Antique. Posible ring magpatuloy ang malalakas na pag-ulan sa ilang bahagi ng Luzon, kabilang ang Bulacan, hanggang Linggo at Lunes dahil sa patuloy na epekto ng Habagat.


Nagbabala ang PAGASA na maaaring mas mataas pa ang dami ng ulan sa mga bulubundukin at matataas na lugar, na maaaring magdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa sa mga apektadong lugar.


Pinapayuhan ang publiko at mga lokal na pamahalaan na manatiling alerto, subaybayan ang mga susunod na abiso ng PAGASA, at magsagawa ng mga kinakailangang pag-iingat upang maprotektahan ang buhay at ari-arian.


Ipinaalala rin ng PAGASA na ang Heavy Rainfall Warning ay mas detalyado at sumasaklaw lamang sa susunod na tatlong oras sa antas ng munisipalidad, habang ang Weather Advisory ay nagbibigay ng mas malawak na 24-oras na pagtataya sa antas ng lalawigan. Para sa suspensyon ng klase at iba pang opisyal na desisyon, dapat sundin ang Heavy Rainfall Warnings na inilalabas ng mga regional office ng PAGASA.

Comments


Top Stories

Stay updated with the latest news from Pulilan. Subscribe to our newsletter for instant updates.

Contact us

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter

© 2023 by Pulilan News Hub. All rights reserved.

bottom of page