top of page

Buntis nanganak sa loob ng police mobile habang binabagtas ang baha sa Meycauayan

MEYCAUAYAN CITY, Bulacan — Ligtas na naisilang ng isang buntis ang kanyang sanggol sa loob ng police mobile car habang isinusugod siya sa ospital sa gitna ng pagbaha sa Meycauayan City madaling araw ngayong Agosto 30.

Ayon sa Bulacan Police Provincial Office (PPO), bandang alas-1:00 ng madaling araw ay nagsasagawa ng traffic assistance at monitoring ang mga tauhan ng Meycauayan City Police Station sa mga bahang lugar malapit sa tulay sa Barangay Banga nang lapitan sila ng isang lalaki na humihingi ng tulong para sa kanyang misis na malapit nang manganak.

Dahil sa mataas na baha at kawalan ng agarang masasakyan, isinakay ng mga pulis ang mag-asawa sa police mobile upang dalhin sa ospital.

Habang nasa biyahe, tuluyan nang nag-labor ang babae at hindi na umabot sa ospital para sa panganganak. Tinulungan siya ng mga rumespondeng pulis at ng kanyang asawa hanggang sa ligtas na maisilang ang sanggol sa loob ng police vehicle.

Pagdating sa ospital, agad na nabigyan ng kinakailangang medical attention ang mag-ina. Ayon sa pulisya, kapwa nasa ligtas at stable na kondisyon ang ina at kanyang bagong silang na sanggol.

Pinuri naman ni PLTCOL Melvin M. Florida Jr., Chief of Police ng Meycauayan City Police Station, ang mga tauhang rumesponde dahil sa kanilang agarang pagkilos at pagtulong sa mag-ina sa gitna ng masamang panahon at pagbaha.

Comments


Top Stories

Stay updated with the latest news from Pulilan. Subscribe to our newsletter for instant updates.

Contact us

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter

© 2023 by Pulilan News Hub. All rights reserved.

bottom of page