top of page

Dalawa arestado sa buy-bust sa Bustos; ₱54K halaga ng hinihinalang shabu at baril nasamsam

BUSTOS, Bulacan — Dalawang indibidwal ang naaresto matapos ang isinagawang buy-bust operation ng Bustos Municipal Police Station (MPS) sa Brgy. Malamig, Bustos, Bulacan, bandang alas-10:00 ng gabi noong Agosto 17.

Kinilala ng pulisya ang mga suspek sa mga alyas na “Ryan,” 47, at “Len,” 33, kapwa residente ng Brgy. Malamig. Ayon sa ulat ni PCPT Heherson M. Zambale, OIC ng Bustos MPS, naaresto ang dalawa matapos umanong magbenta ng isang sachet ng hinihinalang shabu sa isang undercover police officer kapalit ng ₱500 buy-bust money.

Sa isinagawang search kasunod ng pagkakaaresto, nakumpiska umano kay Ryan ang 16 sachet ng hinihinalang shabu, isang caliber .38 revolver at dalawang bala. Tatlong sachet naman ng hinihinalang shabu ang nakuha umano kay Len.

Tinatayang nasa anim na gramo ang kabuuang timbang ng nakumpiskang hinihinalang shabu na may Standard Drug Price na ₱54,400.

Nasa kustodiya na ng Bustos MPS ang dalawang suspek habang inihahanda ang mga reklamong may kaugnayan sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Ayon kay PCOL Jay B. Baybayan, Acting Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office, patuloy na paiigtingin ng kapulisan ang mga operasyon laban sa ilegal na droga at mga paglabag sa batas kaugnay ng mga baril at bala sa lalawigan.


Comments


Top Stories

Stay updated with the latest news from Pulilan. Subscribe to our newsletter for instant updates.

Contact us

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter

© 2023 by Pulilan News Hub. All rights reserved.

bottom of page