top of page

Dalawa arestado sa buy-bust sa Plaridel; ₱51K halaga ng hinihinalang shabu at baril nasamsam


PLARIDEL, Bulacan — Dalawang indibidwal ang naaresto ng Plaridel Municipal Police Station (MPS) sa isinagawang anti-illegal drug buy-bust operation sa Brgy. Banga 2nd, Plaridel, dakong alas-12:15 ng madaling araw ngayong Agosto 26.

Ayon kay PLTCOL Restituto E. Granil, Chief of Police ng Plaridel MPS, kinilala ang mga naaresto sa mga alyas na “Eboy,” 28, at “Nene,” 27, kapwa residente ng Plaridel.

Sa operasyon ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), nakumpiska umano mula sa mga suspek ang humigit-kumulang 7.5 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price na ₱51,000.

Narekober din umano ang ₱500 na ginamit bilang buy-bust money at isang sling bag na naglalaman ng caliber .38 revolver at tatlong bala.

Dinala sa Plaridel MPS ang mga naaresto at nakumpiskang ebidensya para sa kaukulang dokumentasyon. Isasailalim naman sa laboratory examination ang mga hinihinalang ilegal na droga.

Nahaharap ang mga suspek sa mga reklamong paglabag sa Sections 5, 11, at 26, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Isinasagawa rin ang kaukulang imbestigasyon kaugnay ng nakumpiskang baril at mga bala.

Ayon kay PCOL Jay B. Baybayan, Acting Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office, patuloy na paiigtingin ang mga operasyon laban sa ilegal na droga at ilegal na armas sa lalawigan.

Comments


Top Stories

Stay updated with the latest news from Pulilan. Subscribe to our newsletter for instant updates.

Contact us

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter

© 2023 by Pulilan News Hub. All rights reserved.

bottom of page