top of page

High Standards, Zero Recognition

Sep 19
3 min read

Sa bawat patak ng pawis sa larangan, sa bawat salitang isinusulat namin para sa katotohanan, sa bawat oras na ibinibigay namin para sa karangalan ng aming paaralan — ito ba ang babalik sa amin? Mababang marka? Walang parangal? Ang bagong sistema ng Kagawaran ng Edukasyon ay hindi lamang nagdulot ng kalituhan; ito ay naging dahilan kung bakit marami sa amin ang nawawalan ng pag-asa. Ang aming pagsisikap ay tila hindi nakikita, at ang aming mga marka ay hindi sumasalamin sa aming tunay na pagkatuto at dedikasyon.

Araw-araw kaming binibigyan ng tila walang katapusang mga gawain, mga proyekto, ulat, at pagsusulit. Ginagawa namin ang lahat para matapos ang mga ito nang maayos at sa tamang oras, kahit na minsan ay wala na kaming oras para magpahinga. Subalit pagdating sa pagbibigay ng marka, tila nawawala ang lahat ng aming pagod. Ang transmuted na marka ay sobrang baba na parang hindi namin ginawa ang lahat ng aming makakaya. Paano mananatili ang aming motibasyon kung ang kapalit ng aming pagsisikap ay ganitong kababang pagkilala?

Ang paghihingi ng hindi bababa sa 75% sa bawat pagsusulit, PETA, at gawain ay napakataas na pamantayan lalo na para sa lahat ng uri ng mag-aaral. Hindi lahat ay may parehong kakayahan, pantay na pagkakataon, o sapat na tulong sa bahay. Ang pagkatuto ay hindi dapat nakabase lamang sa isang porsyento. Ang pag-unlad ay hindi laging nakikita sa iskor ng pagsusulit, at ang kakayahang mag-aral ay hindi dapat sukatan ng ating halaga bilang mag-aaral.

Pero ito ang pinakamasakit sa lahat, kaming mga student-athlete, campus journalist, at mga kinatawan ng paaralan na lumalaban sa ibang paaralan — kami ang nagdadala ng pangalan at karangalan ng aming paaralan. Tumatakbo kami, sumusulat kami, at lumalaban kami sa labas, habang ang ibang kaklase namin ay nasa loob lamang ng silid-aralan. Kapag nananalo kami, ang paaralan ang nagdiriwang. Subalit pagdating sa aming mga marka? Walang konsiderasyon. Walang pagkilala sa oras na nawala namin, sa mga klase na hindi namin napuntahan, at sa sakripisyong ginawa namin para sa inyong paaralan.

At ngayon, tinanggal pa ang quarterly excellence awards, conduct awards, at perfect attendance awards. Ang aming pagpunta sa paaralan araw-araw nang hindi lumiliban — walang pagkilala. Ang aming mabuting asal at pag-uugali — parang hindi na mahalaga. Ang aming pagsisikap sa bawat markahan — kailangang maghintay hanggang sa dulo ng taon bago makita ang pagkilala. Ang dating motibasyon na nagtutulak sa amin na magpursige bawat markahan — unti-unting nawawala. Ang aming tropeo ay nasa pasilyo ng paaralan, ngunit ang aming mga marka ay mababa — at ngayon, wala na ring parangal na naghihintay sa amin sa dulo ng bawat markahan.

Hindi kami humihingi ng pabor. Hindi kami humihingi ng libreng mataas na marka. Humihingi lamang kami ng pag-unawa, patas na pagtingin, at tamang pagkilala sa aming mga sakripisyo. Ang aming pagod araw-araw, ang aming pagdalo sa klase nang walang pagkukulang, ang aming mabuting asal — ang lahat ng ito ay mahalaga rin. Hindi lamang ang iskor sa pagsusulit ang sukatan ng aming halaga bilang mag-aaral.

Ang sistemang ito ay dapat suriin at baguhin — dahil ang tunay na tagumpay ay hindi nasusukat lamang sa isang numero sa card, at hindi rin lamang sa isang parangal sa dulo ng taon. Ito ay nasusukat sa bawat araw na pinipili naming magpatuloy, kahit na tila walang nakakakita.

Ang aming pagod ay hindi dapat maging walang saysay.

Comments


Top Stories

Stay updated with the latest news from Pulilan. Subscribe to our newsletter for instant updates.

Contact us

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter

© 2023 by Pulilan News Hub. All rights reserved.

bottom of page