top of page

Himig ng Lahi, Pamana ng Nakaraan


Sa bawat himig na dumadaloy sa ating mga tenga, sa bawat kalampag ng pisi na tila kumakausap sa ating mga puso, narito ang Rondalla—isang mayamang pamana ng ating mga ninuno na hanggang sa kasalukuyang panahon ay patuloy nating tinatangkilik, napapakinggan, napag-aaralan, at minamahal.


Ang rondalla ay nagmula sa impluwensiyang Espanyol. Ito ay unti-unting nakilala bilang isang pangkat ng maliliit na instrumentong kuwerdas na nagmula sa Europa. Subalit sa paglaon ng panahon, ito ay unti-unti ring binago at hinubog. Ang Rondalla ay binubuo ng mga instrumentong gitara, bandurya, oktavina, laùd, at baho.


Ang bawat kuwerdas at instrumento ng rondalla ay may sarili at kani-kaniyang papel at tinig. Ang gitara ang nagsisilbing pundasyon ng musika. Ang bandurya ang melodiya ng rondalla na may pinakamaikling kuwerdas na nagdadala ng pangunahing himig—masigla at matinis.


Kasama nito ang laùd at oktabina na nagbibigay ng mas malalim at mas malawak na tunog, na tila nakikipagsabayan at sumasagot sa bandurya. At ang nasa pinakailalim naman ay ang Baho, ang pinakamalaki at may pinakamalalim na tinig—na siyang nag-uugnay sa lahat ng tunog upang maging isang buo at magandang musika. Sa oras na sila'y nagsabay-sabay na tumugtog, bawat kalabit ng kanilang mga pisi ay para kang dinadala sa mala-paraisong himno.


Ang rondalla ay hindi lamang tungkol sa musika; ito rin ay sumisimbolo sa pagkakaisa. Hindi magiging maganda ang himno kung kulang ang isa at kung walang sapat na disiplina ang bawat isa sa pagtugtog. Dito natututunan ang pagkakaisa, disiplina, at pagpapahalaga sa kapwa at sa oras. Sa paglaon ng panahon, ito ay atin nang tinatangkilik at naging bahagi na ng ating tradisyon. Ito ay kadalasang naririnig sa mga kasalan, handaan, at mga pistang bayan. Ito rin ay pilit na itinuturo sa mga paaralan, hindi lamang para ito'y makilala ng bawat henerasyon, kundi  upang mahalin, pangalagaan, at tangkilikin ng mga kabataang Pilipino ang sariling atin.


Gayunpaman, sa makabagong panahon at sa sabay-sabay na pagsulpot ng mga dayuhang musika sa ating bansa, unti-unti na ring nalilimutan at napapabayaan ang rondalla. Ngunit patuloy pa rin itong nabubuhay—dahil sa mga paaralan na nagsasagawa ng mga organisasyon o samahan ng mga kabataang mag-aaral upang sanayin sila at turuan sa rondalla. Kung kaya't paunti-unti pa rin nating ibinabalik ang liwanag ng ating nakaraan.


At sa huli, ang Rondalla ay higit pa sa mga pisa. Ang rondalla ay hindi lamang musika at instrumento, ito ay ang tinig ng ating lahi, alaala at pamana ng ating mga ninuno. Pamana na dapat ingatan, alagaan, mahalin, at pagyabungin. Hangga't may handang tumugtog at nakikinig, mananatili ang liwanag at kulay, at matatag ang ating pagkakakilanlan bilang mga Pilipino—masiyahin, mayaman, at may himig ng sariling atin.

Comments


Top Stories

Stay updated with the latest news from Pulilan. Subscribe to our newsletter for instant updates.

Contact us

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter

© 2023 by Pulilan News Hub. All rights reserved.

bottom of page