top of page

Improvised na baril at mga bala, nasamsam sa Oplan Galugad sa Santa Maria


SANTA MARIA, Bulacan — Arestado ang isang 38-anyos na lalaki matapos umanong makuhanan ng improvised caliber .22 firearm at mga bala sa isinagawang Oplan Galugad ng Santa Maria Municipal Police Station (MPS) sa Brgy. Caysio noong gabi ng Agosto 13.

Ayon sa ulat ng pulisya, isinagawa ang operasyon bandang alas-11:38 ng gabi sa Northville 5A, Brgy. Caysio ng joint team ng Santa Maria MPS katuwang ang lokal na pamahalaan ng barangay bilang bahagi ng Joint Police-BPATs Mobilization (JBM).

Kinilala lamang ang naarestong suspek sa alyas na “Jes,” 38, residente ng Brgy. Tambubong, Bocaue. Ayon sa pulisya, namataan umano ng mga nagpapatrolyang tauhan ang lalaki na may dalang black sling bag.

Sa isinagawang pag-check sa bag, natagpuan umano ang isang improvised caliber .22 submachine gun o Grease Gun-type firearm, isang magazine, at apat na bala. Sinabi naman umano ng suspek na inatasan lamang siyang dalhin ang naturang bag.

Dinala ang suspek at mga nakumpiskang ebidensya sa Santa Maria MPS para sa kaukulang dokumentasyon. Inihahanda na rin ang reklamong paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act para sa pagsasampa sa Office of the Provincial Prosecutor sa Malolos City.

Isasailalim naman sa ballistic examination ng Bulacan Provincial Forensic Unit ang nakumpiskang baril at mga kaugnay na ebidensya.

Ayon kay PCOL Jay B. Baybayan, Acting Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office, patuloy na paiigtingin ng kapulisan katuwang ang mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya ang kampanya laban sa ilegal na pagmamay-ari at pagdadala ng mga baril at bala sa lalawigan.

Comments


Top Stories

Stay updated with the latest news from Pulilan. Subscribe to our newsletter for instant updates.

Contact us

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter

© 2023 by Pulilan News Hub. All rights reserved.

bottom of page