top of page

Kabataang Pulilenyo, sinanay sa pagsulat ng balita


Nagbigay ng pagsasanay sa mga kabataang Pulileño nitong ika-18 ng Abril si G. James Gideon Tinsay tungkol sa pagsulat ng balita (news writing). Ang aktibidad ay bahagi ng programang inilunsad ni Vice Mayor Atty. Imee DJ. Cruz at ginanap sa VM AIC Headquarters sa Brgy. Sto. Cristo, Pulilan, Bulacan.


Bilang panimula sa pagsasanay, tinuruan niya ang mga kabataan ng Pulilan ng wastong paraan ng pagsulat ng balita, kabilang ang tamang paggamit ng lead, wastong estruktura, at pagiging obhetibo sa pag-uulat. Ipinaliwanag din niya ang kahalagahan ng pagiging malinaw, tumpak, at responsable sa paghahatid ng impormasyon. Bilang bahagi ng pagsasanay, pinagawa sa bawat miyembro ang tig-iisang artikulo sa loob ng 30 minuto upang mailapat ang kanilang mga natutunan. Matapos ang gawain, nagbigay siya ng mga puna at mungkahi upang higit pang mapabuti ang kakayahan ng mga kalahok sa pagsulat.


Sa kaniyang talakayan, ibinahagi ni G. Tinsay ang kaniyang mga karanasan sa larangan ng pamamahayag, kabilang ang pakikisalamuha sa mga kilalang reporter tulad nina Gretchen Ho at Jes Delos Santos.



Bukod sa kaniyang mga karanasan sa industriya, ikinuwento rin niya ang iba’t ibang tungkuling kaniyang ginampanan, gaya ng pagiging scriptwriter, personal assistant, at iba pang kaugnay na gawain sa larangan ng media.


Sa kabuuan, naging makabuluhan at kapaki-pakinabang ang nasabing gawain. Buong pusong ibinahagi ni Mr. Tinsay, kasama ang Salin-lente, ang kanilang kaalaman upang magsilbing gabay at inspirasyon sa mga kabataang Pulileño na nagnanais na matuto ng pagsusulat ng balita.

Comments


Top Stories

Stay updated with the latest news from Pulilan. Subscribe to our newsletter for instant updates.

Contact us

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter

© 2023 by Pulilan News Hub. All rights reserved.

bottom of page