top of page

Kinabukasan ang nakataya!


Sa isang pindot lamang, maaari nang magbago ang iyong kinabukasan. Ngunit sa isang kurap lamang, maaari ring maglaho ang iyong kinabukasan. Dapat pa nga ba itong ipagpatuloy?

Noong Agosto 2025, naging usap-usapan ang isang kumalat na video at litrato kung saan ang isang kongresistang nahuling nanonood ng online sabong habang nasa kalagitnaan ng sesyon sa Kamara na Plenaryo.   Nagbobotohan pa ang mga mambabatas para sa bagong House Speaker nang makuhanan ang 'di umanong kongresistang nanonood ng E-Sabong. Subalit nang kuhanan ito ng video at litrato, ito'y nakatalikod, kung kaya't hindi agad ito namukhaan ng mga netizen.


 "Name that Congressman!" Isang komento na galing sa isang netizen. May mga mambabatas din na napagkamalan. Isa na rito si Congressman Sarangani Representative Steve Chiongbian Solon. Inakala ng iba na siya ang nasa litrato dahil sa salitang "Solon" na galing sa isang news article. Ngunit nagpaliwanag naman ito kaagad; inilinaw niya na ang ibig sabihin ng salitang "Solon" ay mambabatas.


Agad ding lumantad ang katotohanan sa likod ng nag-viral na larawan. Walang iba kundi si AGAP Party-list Rep. Briones. 'Di umano, siya raw ang nakuhanan ng litrato na nanonood ng E-Sabong habang nasa plenaryo. Ngunit giit niya, nanonood lamang daw siya at hindi kailanman tumaya.  Humingi rin kaagad ng pasensya si Rep. Briones, aniya sa isang interview,  "Malinis ang konsensya ko, hindi naman ako nagsasabong. Ako, hindi mo ako makikita sa kahit anong sabungan.  Meron lang nag-message sa akin, yung pamangkin ko, na gustong mag-invite ng traditional na sabong. Hindi naman ako interesado; hindi naman ako nagsasabong. At kung meron man tayong ikakahiya na hindi nagandahan, eh humihingi tayo ng pasensya."

Mahigit 20 milyong Pinoy ang naka-register sa online gambling, batay sa Pagcor. Kasama na rito ang mga nasa edad na 18 hanggang 21. Ipinapaalam ng Pagcor na gagamit na raw sila ng AI o Artificial Intelligence upang malaman kung lulong na ba ang mga naglalaro ng online gambling. Aminado ang Pagcor na nahihirapan din daw silang mahanap ang mga ilegal na online gambling sites.


Naka-upo man o hindi, nasa Kongreso man o wala, tila nabubulag pa rin tayo sa liwanag na hatid ng pera. Biruin mo, sa isang taya at pindot mo lang, puwede nang dumoble o triple ang iyong pera. Ngunit sa isang iglap, puwede rin itong maglaho na parang bula. Lalo na kung ang perang iyong ipinangtataya ay galing sa bulsa ng lipunan.


Ang ating kinabukasan ay hindi dapat itinataya!

Comments


Top Stories

Stay updated with the latest news from Pulilan. Subscribe to our newsletter for instant updates.

Contact us

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter

© 2023 by Pulilan News Hub. All rights reserved.

bottom of page