top of page

Lalaki arestado matapos makuhanan ng ‘sumpak’ sa Bustos

Oct 3
1 min read

BUSTOS, Bulacan — Arestado ang isang 30-anyos na lalaki matapos umanong makuhanan ng improvised firearm o “sumpak” habang nagsasagawa ng mobile patrol ang Bustos Municipal Police Station sa Barangay Malamig noong gabi ng Setyembre 29.

Ayon sa ulat ni PCPT Heherson M. Zambale, OIC ng Bustos MPS, nagsasagawa ng police visibility operation ang mga pulis nang mapansin ang suspek, na kinilala lamang sa alyas na “Ping,” na naglalakad nang walang pang-itaas na damit.

Nang lapitan at sabihang isuot ang dala nitong damit, napansin umano ng mga pulis ang dalawang metal tube na nakatago rito. Sa pagsusuri, natukoy umano itong isang improvised firearm na agad na kinumpiska bago inaresto ang suspek.

Nasa kustodiya ng pulisya ang lalaki habang inihahanda ang reklamong paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act para sa pagsasampa sa Office of the Provincial Prosecutor ng Bulacan.

Ayon sa Bulacan Police Provincial Office, bahagi ang operasyon ng Safer Cities Initiative, na kinabibilangan ng pinaigting na police visibility at mobile patrol operations sa mga komunidad.

Comments


Top Stories

Stay updated with the latest news from Pulilan. Subscribe to our newsletter for instant updates.

Contact us

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter

© 2023 by Pulilan News Hub. All rights reserved.

bottom of page