top of page

Lalaki arestado sa Pulilan matapos umano’y magbanta online; nahaharap sa patong-patong na kaso


PULILAN, Bulacan — Nahaharap sa ilang kaso ang isang lalaking kinilala sa alyas na “Wil” matapos siyang arestuhin ng mga tauhan ng Pulilan Municipal Police Station (MPS) sa isang barangay sa Pulilan.

Ayon sa Pulilan PNP, nahaharap ang suspek sa apat na bilang ng Grave Threats in relation to Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act, Direct Assault laban sa Persons in Authority, at paglabag sa Batas Pambansa Blg. 6 kaugnay ng umano’y illegal possession of a deadly weapon.

Batay sa paunang imbestigasyon, nag-ugat ang kaso sa umano’y paulit-ulit na pagbabanta sa buhay ng ilang indibidwal sa pamamagitan ng social media. Matapos matanggap ang impormasyon, nagsagawa ng operasyon ang mga awtoridad upang maaresto ang suspek.

Sa aktuwal na pag-aresto, tinangka umano ng lalaki na umiwas sa mga awtoridad at itinulak ang isang pulis habang isinasagawa ang pag-aresto. Matapos siyang makontrol, nakumpiska umano sa kanyang baywang ang isang balisong.

Ayon sa pulisya, nagpahayag ng pagsisisi ang suspek at sinabing hindi niya umano sinasadya ang mga naging pahayag at pagbabanta na kanyang nai-post online.

Binigyang-diin naman ni PLTCOL Eric C. Cister, Chief of Police ng Pulilan MPS, na maaaring magkaroon ng seryosong legal na pananagutan ang mga pahayag online kapag naglalaman ang mga ito ng banta sa buhay o kaligtasan ng ibang tao.

Muling pinaalalahanan ng Pulilan PNP ang publiko na maging responsable at maingat sa paggamit ng social media, at isipin ang posibleng legal na epekto ng anumang ipinopost o ibinabahagi online.

Comments


Top Stories

Stay updated with the latest news from Pulilan. Subscribe to our newsletter for instant updates.

Contact us

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter

© 2023 by Pulilan News Hub. All rights reserved.

bottom of page