top of page

Mahigit 12,000 law graduates sumabak sa 2026 Bar exams

Sep 7
1 min read

MANILA, Philippines — Umabot sa 12,029 law graduates ang sumabak sa unang araw ng 2026 Bar Examinations, ang pinakamataas na bilang ng examinees sa kasaysayan ng pagsusulit, ayon kay Bar examinations chairman at Supreme Court Associate Justice Samuel Gaerlan.

Mula sa 14,291 aplikante, 13,441 ang opisyal na pinayagang kumuha ng Bar exams. Tinatayang 56 porsiyento ng mga examinee ay kababaihan.

Isinasagawa ang pagsusulit sa 15 testing centers sa buong bansa, kabilang ang pitong paaralan sa Metro Manila. Nagsisilbing headquarters ng Bar examination operations ang San Beda College Alabang.

Bagama't laptop ang pangunahing ginagamit sa pagsusulit, tatlong examinee ang pinayagang kumuha nito sa pamamagitan ng handwritten examination dahil sa kanilang partikular na kalagayan. May apat ding examinee na binigyan ng assistance, kabilang ang isang visually impaired, isang may rare form of meningitis, isang 75-anyos na nahihirapan sa paggamit ng computer, at isang examinee na walang dalawang braso.

Isang person deprived of liberty (PDL) din ang kumuha ng Bar exam sa hindi tinukoy na testing site sa ilalim ng itinakdang security protocols.

Anim na pangunahing asignatura ang saklaw ng pagsusulit: Political and Public International Law; Commercial and Taxation Laws; Civil Law and Land Titles and Deeds; Labor Law and Social Legislation; Criminal Law and Remedial Law; at Legal and Judicial Ethics, kasama ang practical exercises.

Nakatakda rin ang mga susunod na araw ng Bar examinations sa Setyembre 9 at 13. Ayon sa Bar exam committee, maaaring kanselahin ang pagsusulit kahit sa isang testing center lamang kung kinakailangan dahil sa masamang kondisyon ng panahon.

Comments


Top Stories

Stay updated with the latest news from Pulilan. Subscribe to our newsletter for instant updates.

Contact us

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter

© 2023 by Pulilan News Hub. All rights reserved.

bottom of page