top of page

Movie Review: Seven Sundays


May mga pelikulang panoorin mo lang tapos makakalimutan mo agad, pero mayroon ding tumatak sa puso mo habambuhay. Isa na rito ang Seven Sundays—ang pelikulang walang sawa kong pinapanood. Isa siyang kuwento tungkol sa isang pamilya na magkakahiwalay at magkakaiba ang landas. Pero napilitan silang magsama-sama ulit para sa kanilang ama na nagkaroon ng malubhang sakit.


Gumanap sa pelikula si Ronaldo Valdez bilang Kapitan Manuel. Panganay sa mga magkakapatid naman si Aga Muhlach bilang Allan at namamahala sa kanilang munting convenience store na ABC. Dingdong Dantes bilang Bryan, ang ikalawa sa magkakapatid at may magandang trabaho sa isang malaking kumpanya. Cristine Reyes bilang Charmaine, ang nag-iisang babae sa magkakapatid at may sariling pinagdadaanan sa sarili niyang pamilya. Si Enrique Gil, bilang Dexter, ay bunso sa magkakapatid, pilyo at may malaking tampo sa pamilya. Kasama rin dito sina Jodi Sta. Maria, Edward Barber, at iba pang magagaling na artista na nagbigay kulay sa kuwento.


Nalaman ni Kapitan Manuel na may malubha na siyang sakit at bilang na lang ang mga araw niya. Sabi ng doktor niya, Terminal lung cancer ang sakit niya. Dahil doon, tinawag niya ang apat niyang anak na nakatira na sa Maynila. Hiniling niya na umuwi sila at samahan siya sa kanilang lumang bahay sa loob ng pitong magkakasunod na Linggo bago siya mawala.


Pero hindi maayos ang samahan ng mga magkakapatid. May kani-kaniyang problema, may mga hinanakit, at parang hindi sila magkakakilala. Pero habang nagsasama-sama sila sa iisang bubong kada linggo, dahan-dahan nilang nakakausap at nakakamusta ang bawat isa.


Hindi ko na i-chichika pa ang buong pelikula para ikaw na mismo yung makakita kung paano ito natapos.


Ang theme song nila ay “Batang Bata Ka Pa” na kinanta ni Daryl Ong. Sobrang bagay ng kanta sa kuwento at sa mensahe ng pelikula. Yung ibang tugtog naman, simple lang pero swak na swak sa bawat eksena—kung nakakatawa yung pangyayari, sumasabay yung musika; kung malungkot naman, damang-dama mo rin. Nakakatulong talaga para mas maramdaman mo yung sinasabi ng kwento.


Ito yung pelikulang kaya kong ulit-ulitin nang hindi nagsasawa. Simula noong 2017 nang una ko 'tong napanood, hanggang ngayon pinapanood ko pa rin. Para sa akin, hindi lang siya basta pelikulang pampamilya, dahil bawat karakter sa kuwento may istorya — istoryang punong-puno ng aral.


Hindi ito yung sobrang bigat o puro iyakan lang—may mga nakakatawang parte rin na sigurado akong matatawa ka talaga, katulad na lang sa scene na nagkunwaring nagulat si Kap Manuel sa pa-late surprise party na inihanda ng mga anak at apo niya.


Kung naghahanap ka ng mapapanood na makakapagpaiyak, makakapagpatawa, at higit sa lahat, magpapaalala sa’yo kung gaano kahalaga ang pamilya—ito ang mairerekomenda ko. Isama mo pa ang buong pamilya niyo para manood. Sigurado akong magugustuhan niyo rin 'to katulad ng pagkagusto ko. Huwag niyo nang palampasin. Panoorin niyo na!

Comments


Top Stories

Stay updated with the latest news from Pulilan. Subscribe to our newsletter for instant updates.

Contact us

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter

© 2023 by Pulilan News Hub. All rights reserved.

bottom of page