top of page

Muling Isinailalim sa Yellow Alert ang Visayas Grid


MANILA — Muling isinailalim sa yellow alert ang Visayas grid ngayong Huwebes, Mayo 21, 2026, ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).


Sa abiso ng NGCP, epektibo ang yellow alert mula alas-4 ng hapon hanggang alas-11 ng gabi dahil sa manipis na reserbang suplay ng kuryente sa rehiyon.


Ayon sa NGCP, may 11 power plants na hindi pa rin nakakapag-operate mula pa noong Mayo, habang may isa pang planta na hindi gumagana simula pa noong Marso. Dahil dito, bumaba sa 2,668 megawatts (MW) ang available capacity ng grid, habang inaasahang aabot sa 2,486 MW ang peak demand.


Ipinaliwanag ng NGCP na ang yellow alert ay nangangahulugang mababa ang reserbang kuryente at hindi sapat ang supply upang matugunan ang contingency requirement ng grid.

Dahil sa sitwasyon, sinabi rin ng NGCP na maaaring magpatupad ng Manual Load Dropping (MLD) sa ilang service areas mula alas-5 ng hapon hanggang alas-9 ng gabi upang maiwasan ang mas malawakang power interruption.


Gayunman, maaari umanong kanselahin ang naturang schedule kung bubuti ang kondisyon ng sistema, lalo na kung mas mababa sa inaasahan ang aktuwal na konsumo ng kuryente.


Karaniwang nakararanas ng kakulangan sa suplay ng kuryente ang bansa tuwing tag-init, partikular sa mga buwan ng Abril at Mayo, dahil sa mataas na paggamit ng air conditioning at iba pang cooling appliances bunsod ng matinding init ng panahon.

Comments


Top Stories

Stay updated with the latest news from Pulilan. Subscribe to our newsletter for instant updates.

Contact us

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter

© 2023 by Pulilan News Hub. All rights reserved.

bottom of page