top of page

Mundong aking pinasok: Araw ng ToyCon Ph


Pagtapak pa lamang ng mga paa ko sa Okada Manila, isang kakaiba at kamangha-manghang mundo agad ang sa aki'y sumalubong—mundong tila hinubog ng imahinasyon. Sa bawat pagbaling ng aking paningin, puro pagkagulat at pagkamangha lamang ang aking natanaw. Habang kami ay naglalakad, unti-unting nabuo sa aking isipan ang mga katagang: "Gan'to pala sa Manila..." Halos lahat ng aking nakikita ay gawa ng sining. May karakter na parang bumaba mula sa pelikula, anime, o laro. Hindi ito basta simpleng pagtitipon lamang—ito ang ToyCon Ph; isa itong mundong pinasok ko.



Sa totoo lang, iyon ang unang pagkakataon na nakarating ako sa Okada Manila. Hindi ko inasahan na ganoon ang aking masisilayan. Akala ko, isang malaking gymnasium lamang ito na maraming laruan; pero nagkamali ako. Sa unang hakbang ko pa lamang, agad ko nang naramdaman ang enerhiya ng lugar—makulay, masigla, at halos punong-puno ng mga tao. May mga naglalakad na tila bayani, karakter sa anime, kontrabida, at mga karakter na hindi ko pa nakita kailanman. Ngunit ramdam ko ang effort at dedikasyong inilaan nila hindi lang para sa kanilang kasuotan, kundi mas lalo para gayahin ang karakter na minsan na nilang pinangarap maging.



Bukod sa mga cosplayers, hindi ko malilimutan ang mga booth na naglalaman ng mga collectibles mula sa maliliit na figurine hanggang sa malalaking laruan na hindi bababa sa 5,000 piso ang halaga. Doon ko rin napansin na hindi lang ito simpleng hobby para sa iba; isa itong investment at alaala ng pagkakakilanlan.


Sa kalagitnaan ng aming pag-iikot, hindi ko rin maiwasang mapansin ang ilang mga hamon—siksikan at ang mga laruang may presyong di-abot kaya ng karamihan. Ngunit sa kabila nito, bakas sa mukha ng mga tao ang kasiyahan na tila iniwan nila nang pansamantala sa labas ang kani-kanilang mga problema, upang magsaya at ipagdiwang ang pop culture event na ito—kahit na hindi ganoon kadaling maging bahagi ng ganitong mundo.


Sa aking paglabas, habang ako'y nasa sasakyan at nakatingin sa bintana,  aking napagtanto na ang ToyCon ay hindi lamang tungkol sa mga laruan, kasuotan, at collectibles—kundi isa itong mundo na kung saan ay sinasabi ng sining na: "Malaya ka sa kung sino ang gusto mong maging… kahit sa sandaling panahon."


Sa aking pag-uwi, dala ko hindi lamang ang mga litrato—kundi ang isang bagong pagtingin sa mundong ngayon ko lang nasilayan, na sa bawat maskara ay may kuwento ng pagsisikap, pagmamahal, at pangangarap.

Comments


Top Stories

Stay updated with the latest news from Pulilan. Subscribe to our newsletter for instant updates.

Contact us

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter

© 2023 by Pulilan News Hub. All rights reserved.

bottom of page