top of page

Negosyo nalulugi sa delay ng permits — MSMEs

Sep 12
2 min read

MANILA, Philippines — Idinaing ng ilang micro, small and medium enterprises (MSMEs) sa Senado ang matagal na pagproseso ng mga permit at lisensya ng mga regulatory agency, na umano'y nagdudulot ng pagkawala ng business opportunities, pagkaantala ng shipments at potensyal na kita.

Sa pagdinig ng Senado na pinangunahan ni Sen. Bam Aquino, sinabi ni Ailyn Lorico-Renta, may-ari ng Purelife Food Processing, na nawalan ang kanyang kumpanya ng pagkakataong makapagbenta sa isang malaking retail chain dahil hindi naibigay sa oras ang kanilang license to operate mula sa Food and Drug Administration (FDA).

Ayon kay Renta, Marso 2023 pa siya nag-apply ngunit bandang huling bahagi lamang ng taon naisagawa ang inspeksyon. Napili kalaunan ang kanilang juice product para sa planong paglulunsad noong Hunyo 2024, ngunit hindi ito natuloy dahil nakabinbin pa ang kinakailangang FDA licenses.

Ibinahagi rin ni Anne Francisco, chief operating officer ng 1938 Francisco Food Specialties na gumagawa ng Ferino’s Bibingka, na muntik nang gumastos nang malaki ang kanilang kumpanya dahil sa pagkaantala ng renewal ng FDA permit. Nagbayad umano sila para sa renewal noong Enero ngunit Mayo lamang na-inspeksyon, habang kailangan nang ipadala sa Estados Unidos ang kanilang shipment pagsapit ng Agosto. Ayon sa kanya, umabot na dati sa $2,000 ang kanilang binayarang demurrage charges.

Iminungkahi ni Francisco na magkaroon ng provisional renewal kapag ang pagkaantala sa pagproseso ay nagmumula mismo sa FDA upang hindi mapigil ang operasyon at pagbebenta ng mga negosyong naghihintay ng renewal.

Samantala, sinabi ni Jennilyn Antonio ng Panaderia Antonio Food Corp. na umabot umano ng limang taon bago nailabas ang registration certificate para sa kanilang peanut butter products. Nag-apply siya noong 2019 at noong 2024 lamang umano natanggap ang dokumento matapos matulungan sa pag-follow up ng isang retiradong FDA official.

Nanawagan din ang mga negosyante para sa mas mabilis na permit processing, mas abot-kayang laboratory testing at karagdagang testing facilities upang mabawasan ang mga hadlang sa operasyon at paglago ng maliliit na negosyo.

Comments


Top Stories

Stay updated with the latest news from Pulilan. Subscribe to our newsletter for instant updates.

Contact us

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter

© 2023 by Pulilan News Hub. All rights reserved.

bottom of page