top of page

Porke'T Dayo, Kailangan Inaabuso?


Sa larangan ng pagpapakilala at pakikipagkapwa, minsan ay nakakatakot, hindi kapana-panabik, at nakapanghihilakbot. Dito, matatagpuan ang kuwento ng isang dalagita na ang tanging nais ay matuto, ngunit nauwi sa pagmamalabis at pang-aabuso.


"Bakit ako ang target ninyo?" Pagmasdan ninyo naman ang aking mga mata kung kaya ko bang pumatol sa inyo. Isa lamang akong dayo na naghahanap ng lugar kung saan maaari akong matuto at makibagay.


Sa bawat paggising ko tuwing umaga, bitbit ko ang pag-asang may matututunan ako sa paaralan. Pangarap kong magkaroon ng magandang kinabukasan at makahanap ng mga kaibigang tatanggap sa akin. Ngunit sa halip na pagtanggap, takot ang sumasalubong sa aking bawat hakbang.


Sa tuwing naglalakad ako sa madilim na bahagi ng daan patungong paaralan, palaging may katok sa aking isip: "Ligtas pa rin ba ako kahit nag-iisa sa dilim?" Ang buong akala ko ay dito ko matatagpuan ang daan tungo sa pagkatuto at magandang kinabukasan, ngunit sako at pamatpat ang aking nadatnan.


Isinako at sinaktan ang buong pagkatao.


Sa loob ng sako, tila kasabay ding nawala ang aking boses. Hindi ko makita ang paligid. Hindi ko alam kung sino ang nasa harapan ko. Ang alam ko lamang ay masakit, nakakatakot, at wala akong magawa kundi umiyak at magtanong sa aking sarili kung ano ang nagawa kong kasalanan.


Tanging pagsako ba sa aking ulo ang ikasasaya mo? Tanging pananakit ba ang paraan upang iparamdam mong ako'y isang takot na dayo?


Sa bawat hampas na aking natatanggap, hindi lamang katawan ang nasasaktan kundi pati ang mga pangarap at tiwalang dala ko sa aking pag-aaral. Ang landas na inaasahan kong maghahatid sa akin ng kaalaman at magandang kinabukasan ay nabalot ng takot at pangamba dahil sa mga taong piniling manakit kaysa umunawa.


May mga pagkakataong ayaw ko nang dumaan sa parehong daan. May mga gabing hindi ako makatulog sa kakaisip kung mauulit na naman ang lahat. Hindi ko maintindihan kung bakit kailangan kong maranasan ito gayong wala naman akong ginawang masama. Nais ko lamang matuto. Nais ko lamang tanggapin.


Ngunit sa kabila ng lahat, hindi dapat manaig ang pang-aabuso. Ang pagiging dayo ay hindi kasalanan. Hindi ito dahilan upang alipustain, takutin, o saktan ang isang taong ang hangad lamang ay magkaroon ng pagkakataong matuto at mabuhay nang payapa.

Comments


Top Stories

Stay updated with the latest news from Pulilan. Subscribe to our newsletter for instant updates.

Contact us

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter

© 2023 by Pulilan News Hub. All rights reserved.

bottom of page