top of page

Pulis arestado matapos umanong magpaputok ng baril sa Marilao

Sep 7
1 min read

MARILAO, Bulacan — Arestado ang isang pulis matapos umanong magpaputok ng baril nang dalawang beses sa isang residential area sa Northville 4B, Barangay Lambakin, Marilao pasado hatinggabi noong Setyembre 1.

Batay sa CCTV footage, makikita ang isang lalaki na nagpaputok umano ng baril bago naglakad palayo sa lugar. Ayon sa ilang residente, ikinabahala nila ang insidente dahil sa posibilidad na may tamaan ng ligaw na bala. Wala namang naiulat na nasaktan.

Ayon sa Marilao Police, unang nakatanggap ang mga awtoridad ng report mula sa isang concerned citizen sa pamamagitan ng 911. Pagdating ng mga rumespondeng pulis, wala na sa lugar ang lalaki at wala ring residenteng nais tumestigo.

Nagkaroon umano ng lead ang imbestigasyon nang kumalat online ang CCTV footage. Kalaunan ay natukoy na miyembro rin ng Philippine National Police ang lalaking nasa video at nakatalaga umano sa Valenzuela.

Nakipag-ugnayan ang Marilao Police sa mga awtoridad sa Valenzuela, na tumulong upang makustodiya ang pulis. Dinala ang suspek sa Marilao Police Station at kinasuhan ng illegal discharge of firearms.

Patuloy namang hinahanap ng mga imbestigador ang baril na umano'y ginamit sa insidente. Humiling din ang Marilao Police ng firearms verification upang malaman kung may iba pang nakarehistrong baril sa pangalan ng suspek. Tumanggi naman itong magbigay ng pahayag hinggil sa alegasyon.

Bukod sa kasong kriminal, sinabi ng National Police Commission (NAPOLCOM) na hahawakan ng Region III office nito ang administrative case laban sa pulis. Posibleng maharap ang suspek sa mga kasong administratibo kaugnay ng grave misconduct at conduct unbecoming a police officer.

Ayon sa NAPOLCOM, maaaring humantong sa suspension, demotion o pagkakatanggal sa serbisyo ang administrative case, depende sa magiging resulta ng kaukulang proceedings.

Comments


Top Stories

Stay updated with the latest news from Pulilan. Subscribe to our newsletter for instant updates.

Contact us

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter

© 2023 by Pulilan News Hub. All rights reserved.

bottom of page