top of page

Sa Ilalim ng Kulambo ni Ate


Sino nga ba ang dapat managot kung ang mga dapat tumulong sa mga gawaing bahay at matiwasay na nag-aaral para sa kanilang kinabukasan ay sila namang nagpapakasakit na magparami sa ilalim ng kulambo?


Batay sa pagsusuri noong taong 2024, isa sa mga bansang nakakaharap sa matinding krisis ay ang bansang Pilipinas. Ito ay tumutukoy sa pagtaas ng bilang ng mga kaso ng teenage pregnancy. Nasasabing teenage pregnancy ang isang kaso kung ito ay nabuntis o nagdalang tao sa edad na 19 pababa ayon sa World Health Organization o WHO.


Dahil sa lumalagong bilang ng teenage pregnancy, hindi maiiwasang maraming mag-aaral ang napipilitang huminto sa pag-aaral — dulot ng kahihiyan at takot na husgahan ng mga taong nakapaligid sa kanila.


Ano nga ba ang mga posibleng dahilan kung bakit lumalala ang kaso ng teenage pregnancy sa ating bansa? Isa sa mga maaaring maging dahilan nito ang kakulangan natin sa tamang kaalaman tungkol sa pakikipagtalik. Maraming kabataan ang salat sa kaalaman tungkol sa sex—kung paano at kailan ba 'to isinasagawa—at sa kakulangan sa proteksyon.


Pangalawa, impluwensya ng Social Media. Kasabay ng lumalaking impluwensya ng social media, lumalaki rin ang "curiosity" ng mga kabataan ngayon. Marami sa kanilang mga kaibigan ang nakikipagsabayan sa mga "trend" o mga nauusong gawain online. Kalat na rin sa internet ang mga pampublikong site na kung saan libre mong masasaksihan ang mga malalaswang larawan o video na madaling maka-impluwensya sa mga kabataan.


At panghuli, ang pang-aabuso o panggagahasa sa kapwa. Dito pumapasok ang masakit na realidad ng buhay. Ito ang realidad ng buhay na ating kinakaharap hanggang sa kasalukuyan, kaya hindi maiiwasan ang maagang pagbubuntis ng mga kabataan.


Ayon sa  gurong aking nakapanayam na si Sir Jerome Madla, aniya , "I-educate natin ang mga bata tungkol sa mga pros and cons  ng teenage pregnancy. At dapat magpatupad din sana ng sapat na Sex Education para sa mga kabataan."


Tulad ng sinabi ni Sir Jerome, dapat magpatupad ng Sex Education para sa mga kabataan. Para magkaroon tayo ng sapat na kaalaman hindi lamang sa pakikipagtalik, kundi pati na rin sa pagiging matalino sa ating mga desisyon at sa pagiging handa sa responsibilidad kung sakaling tayo ay bubuo ng pamilya sa hinaharap.


Tayo pa rin nga ba ang bagong mukha ng ating bansa? Tayo pa rin ba ang nagsisilbing liwanag at pag-asa para sa ating kinabukasan? O tayo na rin ba ang magdadagdag at magpapalala ng ating populasyon at mga problema sa ating bayan?

Comments


Top Stories

Stay updated with the latest news from Pulilan. Subscribe to our newsletter for instant updates.

Contact us

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter

© 2023 by Pulilan News Hub. All rights reserved.

bottom of page