top of page

Sa Likod ng mga Ngiti at Tagumpay

Sep 6
2 min read

Sa unang tingin, tila simpleng kuwento lamang ito ng apat na magkakapatid na nagkatagpo muli para sa isang kasal. Ngunit sa bawat salitang lumalabas sa kanilang bibig, sa bawat tingin na puno ng inggit at kirot, at sa bawat tahimik na pagluha — ipinapakita nito ang isang katotohanang halos lahat sa atin ay nakakaranas: ang pamilya ay maaaring iyong pinakamalalim na ugat, ngunit maaari rin silang maging sanhi ng iyong pinakamabibigat na sugat.

Ang kuwento nina Teddie, Bobbie, Alex, at Gabbie ay salamin ng maraming tahanan sa ating paligid. Naroon ang paghahambing-hambing — kung saan tila laging may mas magaling, mas matagumpay, o mas paborito sa paningin ng magulang. Naroon ang hindi napapansing pagsasakripisyo — ibinibigay mo ang lahat ng iyong makakaya, ngunit hindi ito kailanman sapat para makita at mapahalagahan nila. Naroon ang mga salitang binitawan sa galit na nananatiling sugat habang-buhay, ang mga lihim na itinatago upang hindi magkagulo, at ang pag-iisip kung tunay ka bang tinatanggap ng iyong sariling kadugo.

Tunay na mabigat ang katotohanang ipinapakita nito. Sa totoong buhay, hindi lang ito tungkol sa pag-aagawan ng atensyon — dumarami pa ang mga pasanin, kahirapan, magkakaibang pananaw sa buhay, pagkakalayo ng loob dahil sa maling akala, pagpupumilit na umabot sa inaasahan ng iba, at minsan ay ang pagtitiis ng lahat kahit ikaw na ang talo, upang manatili lamang ang kapayapaan sa tahanan. Marami sa atin ang nakikita ang kanilang sarili sa isa sa kanila — ang nagpapanggap na maayos ang lahat, ang lumalayo upang makaiwas, ang tahimik na nagtitiis, o ang laging sinusubukang punan ang puwang na hindi naman talaga mapupunan.

Ngunit sa kabila ng lahat ng bigat at mali, ipinapaalala ng kuwento ang pinakamahalagang bahagi ng tunay na buhay, na hindi perpekto ang pamilya. Sila ay nagkakamali, nakasasakit, at minsan ay tila hindi ka nauunawaan. Gayunpaman, sa pag-amin sa mga pagkakamali, sa paghingi ng tawad, at sa pagsisikap na unawain ang bawat isa — doon nagsisimulang maghilom ang mga sugat. Ang tunay na pagkakabuklod ay wala sa kawalan ng problema, kundi sa pagpili pa ring manatili at unawain ang isa’t isa sa kabila ng lahat ng hirap.

Ang pelikulang ito ay nagpaalala sa atin na ang bawat isa sa atin ay naghahangad lamang ng iisang simpleng bagay, na tanggapin, marinig, at mahalin nang buo, kasama ang lahat ng ating kakulangan. At minsan, kailangan muna nating harapin ang mabibigat na katotohanan sa loob ng tahanan upang tunay nating masabi na tinatanggap ko kayo, kasama ang inyong mga kakulangan, at sana, tanggapin niyo rin ako nang buong-buo.

Comments


Top Stories

Stay updated with the latest news from Pulilan. Subscribe to our newsletter for instant updates.

Contact us

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter

© 2023 by Pulilan News Hub. All rights reserved.

bottom of page