top of page

Sa Lumang Litrato


Sa buong buhay ko, iisa lang ang tawag ko sa kanya: Nanay. Hindi ko siya tinawag na lola dahil, sa aking puso at isipan, siya ang nagpalaki, nag-aruga, at nagmahal sa akin nang buong-buo—parang tunay na ina. Mula pagkabata, ako na ang kasa-kasama ni Nanay sa lahat ng lakad niya. Siya ang bisig na naging aking tahanan tuwing ako ay nangangamba o natatakot.


Lumipas ang panahon, at kasabay ng aking paglaki ay ang kaniyang pagtanda. Naalala ko noon, siya ang naghihintay sa akin sa pintuan tuwing uwian, may dalang matatamis na ngiti na nakakaginhawa at kayang pawiin ang anumang pagod. Sa tuwing wala si Mommy, siya ang palaging nag-aasikaso sa akin. Tuwing tanghali naman ay sabay kaming natutulog at ipapangako niya sa akin na bibili kami  ng madaming kendi sa tindahan ni Mang Tolentino sa hapon 'pag nagising na ako.


Sa bawat tagumpay, maliit man o malaki, siya ang unang taong nagpupuri, naniniwala na kaya ko, at si Nanay ang taong maipagmamalaki ko kahit kanino. Si Nanay ay parang isang matibay na puno—malalim ang mga ugat, matatag ang katawan, at laging nagbibigay ng lilim at proteksyon sa akin.


Si Nanay ang nagbibigay sa akin ng pera nang palihim, "Oh, pang-load mo." Si Nanay ang magpapasalubong sa akin ng paborito kong donut kapag aalis siya. Si Nanay ay hindi kailanman nakalimot na bumati sa akin tuwing gabi ng "Good night, Apo." Si Nanay, kahit kailan ay hindi ako kinumpara sa ibang bata. At si Nanay, mahal na mahal ako.

Ngunit ngayon, may mga bagay na napansin ko sa kanya na tumusok sa aking puso. Habang ako ay patuloy na lumalaki at tumatatag, unti-unti ko ring nakikita ang mga bakas na tumatanda na si Nanay. Ang buhok na dati ay purong itim; ngayon ay halos hindi ko na mabilang ang mga nagsisipagtipu-tipu niyang buhok. Mga balat na dati ay unat, ngayong ay unti-unti nang nagkakaroon ng mga kulubog, na tila mga guhit na nagkukuwento ng bawat hirap at sakripisyong kanyang dinanas.


Napansin ko rin na hindi na siya kasing-bilis at kasing-lakas tulad ng dati. Dati, kaya pa niya akong akayin kung saan-saan, pero ngayon, ako na ang umaakay sa kanya at nagsisiguro na hindi siya madadapa tuwing aalis kaming dalawa. Ang kanyang mga hakbang ay mas banayad na, mas mabagal, tila ba bawat galaw ay kailangang pag-isipan nang mabuti.


Sa tuwing nakikita ko ang mga pagbabagong ito, tumitingin ako sa mga lumang larawan namin; halo-halong lungkot at pagmamahal ang nararamdaman ko. Madami rin akong tanong, tulad ng "Paano na ako kapag wala na si Nanay?" at "Kakayanin ko kaya mag-isa?"


Dahil dito, natutunan ko ang isang mahalagang aral: ang panahon ay hindi nababalikan at hindi kailanman mapipigilan, ngunit maaari nating punuin ng mga magagandang alaala ang bawat sandali. Kung paano niya ako pinatahan nang paulit-ulit sa tuwing ako ay may sugat at galos dahil sa paglalaro sa labas. Kung paano niya ako punasan ng bawis sa likod at lagyan ng pulbos sa leeg para mapreskuhan ako. At ngayon, kung paanong inalagaan niya ako nang ako ay maliit at mahina, ngayon ay ang aking panahon upang bumawi at suklian ang pagmamahal na binigay sa akin ni Nanay.


Ngayon, ako na ang gagabay sa kanyang mga hakbang, ako na ang magpapaalala na palaging mag-iingat sa kanyang mga dinadaanan. Kung dati siya ang sumasama sa akin sa ospital para magpatingin sa doktor, ngayon ako naman ang aalalay sa kanya para mapanatiling maayos ang kalagayan niya.


At para naman sa aking Nanay, kahit na ang panahon ay lumipas na, at kahit ang ating mga litrato ay unti-unti nang kumukupas dala ng panahon, para sa akin, ikaw pa rin ang pinakamaganda, pinakamalakas, at pinakamahalagang tao sa buong mundo. Nanay, ikaw po ang naghubog sa akin kung sino po ako ngayon, at sa bawat bahagi ng aking pagkatao ay may marka ng iyong pagmamahal. Maraming salamat po  sa pagiging ina, kaibigan, at taong mapagsasandalan sa tuwing wala na akong pader na mapagsandalan. Pangako ko, na habang ikaw ay nandito, damang-dama mo pa rin po na ikaw ay minamahal, pinapahalagahan, at hinding-hindi iiwan.


Nanay, ikaw ang ilaw na gumagabay sa akin, at kahit na ang liwanag mo'y tila humihina dahil sa panahon, ikaw pa rin ang magiging pinakamaliwanag na bituin sa aking buhay, magpakailanman.


"Litrato man natin ay kumupas, ikaw ang aking noon, ngayon, at bukas. Kung paboritong kuwento nati'y magwakas, ay uulitin kong ikuwento bukas." - Panata by Tothapi

Comments


Top Stories

Stay updated with the latest news from Pulilan. Subscribe to our newsletter for instant updates.

Contact us

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter

© 2023 by Pulilan News Hub. All rights reserved.

bottom of page