top of page

Salat sa Pahinga-Diwa


“ Matutulog ka nang maaga, o  matutulog ka nang maaga? ”


Sa paglipas ng araw sa panahon ngayon, kadalasan nating naririnig ang mga katagang nabanggit—tila ba paulit-ulit na tinig sa ating mga tainga mula sa ating mga magulang. Bawat oras sa tahimik na gabi ay kritikal para sa isang indibidwal: bata, binata, dalaga, at matanda.


Sa panahon ngayon, ‘tulog’ ang isa sa mga kritikal at mahalagang aspeto ng bawat yugto ng ating pamumuhay. Madalas, sa kabataan, ang kakulangan sa pagtulog ay tila isa na lang itong bahagi ng ating pamumuhay na walang halaga—isang salik na dulot ng mga gadyet, trabaho, at edukasyon. Ngunit sa kabilang banda, sanhi na rin ang magulong isipan, ang buhol-buhol na pumapasok sa ating isip, at ang insomnia.


“Puro ka kasi selpon kaya hindi ka makatulog.”


Subalit, paano kung hangad ang pahinga, ngunit hindi magawa? Gising ang isip, pagod ang katawan—tila hinahabol ang sapat na pahingang mailap. Ayon sa World Health Organization (WHO), 10-15% ng matatanda ang may chronic insomnia. Ayon sa ulat ng Sleep Foundation, 35% ng mga matatanda ang may kakulangan sa tulog.


Animo’y naghihintay ng bituin sa umaga upang makuha lamang ang sapat na pahinga, dilat ang mata sa magdamag—hirap magsabi, hirap magsalita, hindi magawang sabihin ang karamdaman dahil patuloy na naiipit. Ayon sa tala ng Centers for Disease Control and Prevention, 7 sa 10 kabataan ay kulang sa 7 oras ang tulog. Dahil dito, inirerekomenda na magkaroon ng 8-10 oras ang pagtulog—salik din ito sa pagkakaroon ng anxiety, depression, at heart disease (20-30%).


Sinasayawan ang gunita ng dilim.


Paulit-ulit na lamang, siklo ang patuloy na nangyayari—hindi maiwasan, tulog ang isipan, gising ang diwa; paano ang hangaring pahinga? Naglalakbay ang isipan sa kadiliman, hinahaplos ako ng puyat tuwing gabi. Isang aninong hindi mahabol, isang bituing ‘di maabot—kailan ako makakatulog nang maayos?


Ayon sa Sleep Foundation, ang Cognitive Behavioral Therapy for Insomnia (CBT-I) ay isang epektibong paraan na inirerekomenda ng mga doktor upang makontrol ang insomnia. 70-80% ng mga pasyente ang nakita ang pagbuti sa CBT-I.


Gayunpaman, sa likod ng pagiging kapos sa pahinga, sa bawat antok na hindi maabot—hindi sa lahat ng oras may masisisi, hindi sa lahat ng oras may ididiriin. Dahil walang may kontrol kung sa iyo napunta ang haplos ng dilim.

Comments


Top Stories

Stay updated with the latest news from Pulilan. Subscribe to our newsletter for instant updates.

Contact us

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter

© 2023 by Pulilan News Hub. All rights reserved.

bottom of page