top of page

SC: Ebidensiyang wala sa saklaw ng search warrant hindi basta maaaring kumpiskahin

Sep 4
2 min read

MANILA, Philippines — Nilinaw ng Korte Suprema na hindi maaaring kumpiskahin at gamitin bilang ebidensiya ang mga bagay na wala sa saklaw ng isang search warrant, maliban kung legal na naaangkop ang “plain view doctrine.”

Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Japar B. Dimaampao, pinawalang-sala ng Third Division ng Korte Suprema ang isang akusado sa paglabag sa Republic Act No. 8484 o Access Devices Regulation Act of 1998, kaugnay ng pagmamay-ari ng mga pekeng credit card.

Nag-ugat ang kaso sa impormasyong natanggap ng National Bureau of Investigation (NBI) na umano'y sangkot ang akusado sa ilegal na droga at computer hacking. Matapos ang isang test-buy na nagresulta sa pagkakabili ng shabu, kumuha ang NBI ng search warrant para sa paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Sa paghahalughog sa tirahan ng akusado, nakumpiska ng mga ahente ang ilang kagamitan, kabilang ang mga computer, ATM card, laptop, card-skimming device at dalawang American Express credit card. Kalaunan ay napatunayang peke ang dalawang card matapos beripikahin sa American Express.

Hinatulang guilty ng Regional Trial Court at Court of Appeals ang akusado, ngunit binaligtad ito ng Korte Suprema. Ayon sa Kataas-taasang Hukuman, ang search warrant ay para lamang sa ilegal na droga at mga kagamitang may kaugnayan dito at hindi nagbibigay ng awtoridad para kumpiskahin ang mga credit card o access device.

Hindi rin umano saklaw ng plain view doctrine ang pagkakadiskubre sa mga credit card dahil nasa loob ang mga ito ng isang bag at hindi makikita nang hindi ito binubuksan. Hindi rin agad malinaw na peke ang mga card dahil kinailangan pa itong beripikahin sa American Express.

Binigyang-diin din ng SC na may nauna nang impormasyon ang NBI tungkol sa umano'y credit card fraud ngunit hindi kumuha ng hiwalay na search warrant para sa naturang alegasyon.

Dahil itinuring na ilegal ang pagkakakumpiska sa mga credit card, hindi maaaring gamitin ang mga ito bilang ebidensiya. Kung wala ang naturang ebidensiya, sinabi ng Korte Suprema na nabigo ang prosekusyon na patunayan ang pagkakasala ng akusado sa ilalim ng RA 8484. Press release sa https://sc.judiciary.gov.ph/?p=172645.



Comments


Top Stories

Stay updated with the latest news from Pulilan. Subscribe to our newsletter for instant updates.

Contact us

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter

© 2023 by Pulilan News Hub. All rights reserved.

bottom of page