top of page

Suspek sa robbery-holdap sa Bulakan, nasawi sa engkuwentro sa Malolos


MALOLOS CITY, Bulacan — Nasawi ang isang lalaking itinuturong suspek sa robbery-holdap matapos umanong makipagpalitan ng putok sa mga operatiba ng pulisya sa isinagawang hot pursuit operation sa Purok 5, Brgy. Santisima, Malolos City, dakong alas-11:00 ng gabi noong Agosto 25.

Ayon sa ulat ni PLTCOL Lynelle F. Solomon, hepe ng Bulakan Municipal Police Station (MPS), ang nasawing lalaki ay residente ng Brgy. Santisima at itinuturong suspek sa isang robbery-holdap na naganap sa Brgy. Pitpitan, Bulakan, Bulacan.

Nagsagawa ng joint hot pursuit operation ang Bulakan MPS katuwang ang ilang police units. Sa pamamagitan umano ng pag-backtrack sa mga CCTV footage, natukoy ng mga operatiba ang pagkakakilanlan at kinaroroonan ng suspek.

Ayon sa police report, nang tangkaing arestuhin ay tumanggi umanong sumuko ang suspek at nagpaputok patungo sa mga operatiba. Gumanti umano ng putok ang mga pulis, na nauwi sa pagkasawi ng suspek.

Iniulat ng pulisya na narekober sa lugar ang isang caliber .38 revolver, apat na cartridges, isang fired cartridge case, tatlong deformed fired bullets, at dalawang 9mm fired cartridge cases.

Matapos ang insidente, isinailalim sa seguridad ang crime scene at nagsagawa ng processing ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) upang makalap at maidokumento ang mga ebidensya.

Tiniyak naman ng Bulacan Police Provincial Office (PPO) sa pamumuno ni Acting Provincial Director PCOL Jay B. Baybayan na isasailalim sa masusing imbestigasyon ang insidente upang matukoy ang buong pangyayari at matiyak ang patas na pagsusuri sa armed encounter.

Comments


Top Stories

Stay updated with the latest news from Pulilan. Subscribe to our newsletter for instant updates.

Contact us

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter

© 2023 by Pulilan News Hub. All rights reserved.

bottom of page