top of page

Tanawin ng Paglalakbay

5 hours ago
3 min read

"Gusto kong maging matanda." Ito marahil ang katagang aking binitawan noong panahong kay inosente ng aking isipan. Baka kasi noon, ang tingin natin sa pagiging matanda ay kalayaan— kalayaan sa pagpapasya, kalayaang makaalis ng bahay, at kalayaan sa utos ni Mama at Papa. Sa murang isipan, ang paglaki ay tila isang pintuang patungo sa isang mundong mas masaya, mas malaya, at higit na kapana-panabik. Hindi ko alam na sa pagmamadali kong makatawid sa pintuang iyon, may isang mundong maiiwan sa aking likuran—ang mundong minsan kong tinawag na pagkabata.

Sa panahon ngayon, ang kalye ay tila walang bata, halos walang umuuwi sa bahay na pawisan, walang tuwa sa paligid ng kalsada. Dahil ang kabataan ngayon, nakatutok sa kani-kanilang mga gadyet. Mas pinili ang online games, sa halip na patintero o ibang laro. Nasaan na nga ba ang kabataang ating gustong balikan?

Naaalala ko pa ang mga hapon kung kailan ayaw na ayaw naming umuwi. Kasama ang mga kaibigan, naghahabulan kami sa ilalim ng tirik na araw, pawisan, maalikabok, at walang pakialam sa oras. Ang isang lumang lata ay nagiging laruan, ang bakanteng lote ay nagiging kaharian, at ang simpleng pagtakbo ay nagiging pinakamasayang pakikipagsapalaran. Wala kaming mamahaling gadget o internet na kailangang hintayin. Sapat na ang presensiya ng isa't isa upang maging makulay ang buong hapon.

Ngunit hindi kumpleto ang pagkabata kung walang kalokohan at sermon.

Kapag napapasobra ako sa paglalaro, maririnig ko ang tawag ni Mama mula sa bahay. Minsan, kunwari ay hindi ko naririnig. Kapag nahuhuli sa pag-uwi, may sermon na naghihintay, at kapag sumosobra ang katigasan ng ulo ko, may mga pagkakataong napapalo ako. Iiyak ako, magtatampo, at iisipin kong napakahigpit niya. Sa murang isipan, ang mga pagbabawal ay tila hadlang sa kaligayahan.

Simple lamang ang buhay ko noon, pero bakit kay sarap balikan? Siguro dahil ito sa samahan. Kung dati, madalas kaming nagkakausap ng aking mga kaibigan, pinsan, at kalaro, ngayon? Ni ngiti o pansin ay hindi na namin maibigay sa isa't isa. Ang mga tuwa ay naging katahimikan na lang. At ang samahang hindi dapat masisira, pero ngayo'y watak-watak na lamang.

Kung maaari ko lamang balikan ang mga panahong iyon, marahil ay yayakapin ko ang batang ako. Ang batang nagmamadaling lumaki dahil akala niya ay mas masaya ang mundo sa kabilang panig ng pagkabata.

Ngayon, unti-unti kong nauunawaan na ang paglaki ay hindi lamang tungkol sa kalayaan. Kaakibat nito ang mga responsibilidad, pangarap na kailangang paghirapan, at mga panahong kailangan mong magpatuloy kahit pagod ka na. Hindi na rin ganoon kadaling tipunin ang mga kaibigang dati mong kasabay tumakbo hanggang sa lumubog ang araw. Ang mga dating tawanan ay nagiging alaala na lamang, at ang mga hapon na inakala mong walang katapusan ay nagiging mga sandaling nais mong balikan.

Minsan, sapat nang makakita ng mga batang naghahabulan sa kalsada upang maalala ko ang aking sarili. Mapapangiti ako, ngunit may kaunting pangungulila sa puso. Hindi dahil wala nang ligaya sa pagtanda, kundi dahil may mga sandaling minsan mo lamang mararanasan sa ganoong paraan.

At marahil, iyon ang nakalulungkot na katotohanan ng paglaki. Habang sabik tayong makarating sa kinabukasan, hindi natin namamalayang iniiwan na pala natin ang mga sandaling minsan nating hiniling na sana ay huwag nang matapos.

Sa paglalakbay ko sa yugtong ito, naintindihan ko na ang mga bagay ay hindi dapat madaliin. Nararapat itong lakbayin hangga't may pagkakataon. Dahil sa simula nang magsara ang pintuan, ang kabataan ay hindi mo na mababalikan. At magsisilbing alala na lamang.

Kung mayroon pa akong natitirang oras, panahon na upang sulitin ito, habang hindi pa inaabutan ng bukas.

Comments


Top Stories

Stay updated with the latest news from Pulilan. Subscribe to our newsletter for instant updates.

Contact us

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter

© 2023 by Pulilan News Hub. All rights reserved.

bottom of page