top of page

Tunog ng Bola sa Bawat Kanto


Sa bawat sulok ng Pilipinas, halos hindi nawawala ang tunog ng tumatalbog na bola. Mapa-barangay man o lungsod, may makikitang basketball ring na gawa sa metal, kahoy, o minsan ay simpleng ring lang na nakakabit sa poste. Kahit hindi engrande, sapat na ito upang mabuo ang saya at pagkahilig ng mga Pilipino sa basketball.


Bata pa lang, nahuhubog na ang interes ng marami sa larong ito. Sa simpleng pagsho-shoot gamit ang plastik na bola at improvised na ring, unti-unting nagiging bahagi ng kanilang pang-araw-araw na buhay ang basketball. Madali rin itong laruin dahil hindi ito nangangailangan ng mamahaling kagamitan o malaking lugar.


Hindi tulad ng ibang sports gaya ng arnis, swimming o gymnastics na nangangailangan ng espesyal na training at pasilidad, kayang laruin ang basketball kahit saan. Habang ang arnis ay minsan lang mapanood sa telebisyon, halos araw-araw namang laman ng social media at balita ang basketball, kaya mas maraming kabataan ang nahihikayat dito.


Malaki rin ang naging impluwensya ng kulturang Amerikano sa pagsikat ng basketball sa bansa. Hanggang ngayon, marami pa ring Pilipino ang sumusubaybay sa NBA at PBA, dahilan upang mas lalo pa itong sumikat. Dahil dito, maraming kabataan ang nangangarap na maging katulad nina June Mar Fajardo at Kai Sotto.


Hindi naman ibig sabihin na mas mababa ang ibang sports. Marami ring Pilipino ang nagdadala ng karangalan sa boxing, weightlifting at gymnastics. Ngunit kakaiba ang koneksyon ng basketball sa mga Pilipino dahil hindi lang ito isang laro kundi bahagi na rin ng kanilang kultura at pagkakaisa.

Comments


Top Stories

Stay updated with the latest news from Pulilan. Subscribe to our newsletter for instant updates.

Contact us

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter

© 2023 by Pulilan News Hub. All rights reserved.

bottom of page