top of page

Bago Ka Magsalita, May Guhit na Dapat Igalang


Araw-araw, may mga guhit tayong hindi nakikita pero nararamdaman—mga salitang binibitawan na minsan, hindi na natin mababawi. Sa simpleng biro o komento, puwedeng may linya tayong natatapakan na hindi na muling bumabalik sa dati.


Minsan, akala natin simpleng biro lang ang mga salitang binibitawan. “Tumaba ka yata,” “Ang hina mo naman,” o kaya’y “Hindi bagay sa’yo ’yan.” Para sa nagsabi, maaaring mabilis itong makalimutan, pero para sa nakarinig, puwedeng manatili iyon sa isip nang matagal. Unti-unting nababawasan ang tiwala nila sa sarili dahil sa paulit-ulit na komento ng ibang tao.


May mga taong dating masayahin at palaban, ngunit natutong manahimik dahil natatakot na husgahan. Sa bawat puna at pangungutya, parang may bahaging nasisira sa kanilang pagkatao. Hindi natin agad nakikita ang epekto, pero dala-dala nila iyon sa araw-araw—sa pagharap sa klase, trabaho, o kahit sa simpleng pakikisalamuha.


Mas masakit kapag nanggagaling ang masasakit na salita sa mga taong malapit sa atin. Dahil galing sa estranghero, kaya pa nating iwasan. Pero kapag kaibigan, kamag-anak, o mismong taong pinagkakatiwalaan natin ang nagsasalita ng hindi maganda, mas malalim ang sugat na naiiwan.


Hindi naman masamang magbigay ng opinyon o magbiro. Ngunit kailangan nating isipin kung nakakatulong ba ang ating sinasabi o nakakasakit lamang. Madaling magsalita, pero mahirap bawiin ang epekto ng masasakit na salita. Ang confidence na matagal binuo ay kayang sirain ng ilang segundo ng panghuhusga.


Sa panahon ngayon kung saan mabilis kumalat ang opinyon sa social media, mas kailangan nating maging maingat. Isang comment lang ang puwedeng magpababa ng tingin ng isang tao sa sarili niya. Hindi natin alam kung ano na ang pinagdadaanan ng bawat isa, kaya mas mabuting piliin ang maging mabait kaysa maging dahilan ng pagdududa nila sa kanilang halaga.


Ang guhit na hindi dapat lagpasan ay ang respeto sa damdamin at pagkatao ng iba. Ang salita, kahit hindi nakikita, kayang mag-iwan ng sugat na matagal bago maghilom.

Comments


Top Stories

Stay updated with the latest news from Pulilan. Subscribe to our newsletter for instant updates.

Contact us

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter

© 2023 by Pulilan News Hub. All rights reserved.

bottom of page