top of page

Binahang Pag-asa


Isa sa mga mabibigat na problemang kinakaharap ng maraming Pilipino ay ang malalakas na pag-ulan na nagdudulot ng malalaking pagbaha. Isang tanong ang madalas marinig at hinahanapan ng kasagutan: “Nasaan na ang mga pondong inilaan para sa flood control?”


Bilyong-bilyong halaga at maraming panahon ang inialay para sa proyektong dapat ay magsisilbing proteksyon sa karamihan. Paano kung isa na rin sa mga problemang ating kinakaharap ay ang mga proyekto at pangakong napapako?


Karaniwang ugat nito ang tinatawag na ghost projects—mga proyektong ipinatupad at pinondohan ngunit hindi naman naisagawa nang tuluyan, o ’di kaya’y mga hindi natatapos. Maraming mamamayan ang naapektuhan sa pangyayaring ito. Ang dapat sana’y serbisyo ay napalitan ng perwisyo.


Hindi lamang pera ang nasasayang sa ghost projects. Kasama na rin sa nawawala ang tiwala ng karamihan sa mga namamahala nito. Ang masaklap pa rito ay ang paikot-ikot na pangyayaring ito. Paulit-ulit na may nawawalan ng buhay, tahanan, kabuhayan, at pati na rin ng pag-asa na may magbabago pa.


Ang korapsyon ay rason din ng mga masasakit nating nararanasan. Ang perang ginamit na dapat sana’y ating mapakinabangan ay napunta sa maling mga kamay. Ang dapat ay nagsisilbi sa atin ay nauwi lamang sa pansariling interes at katiwalian.


Pumili ng karapat-dapat at tapat na magsilbi sa bayan. Hindi lamang pansariling interes ang inuuna kundi iniisip pati na rin ang kanyang nasasakupan. Bawasan ang pinsala, sugpuin ang korapsyon, at panagutin ang mga may sala. Sa huli, hindi nakabase sa mga pangako ang lahat ng bagay, kundi sa gawa at katapatan sa bawat salitang binibitawan.

Comments


Top Stories

Stay updated with the latest news from Pulilan. Subscribe to our newsletter for instant updates.

Contact us

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter

© 2023 by Pulilan News Hub. All rights reserved.

bottom of page