top of page

Inaasahang Pasanin: Kasalanan ba ang magkaroon ng kapintasan?


Sa bawat kamay na nakataas, ay may mga kabataang takot magkamali. Sa bawat pusong tumitibok ay may natutong magkubli ng dalamhati sa likod ng mga ngiti. Sa bawat palakpak na umaalingawngaw ay may isipang matagal nang napapagod sa pagkubli ng mga lamat. Ngunit paano nga ba ihihiyaw ang paghingi ng saklolo kung ang mga taingang dapat makinig ay piniling manatiling bingi sa aming pagbagsak?


Hindi lamang ito payak na pag-iinarte o karaniwang hinaing ng mga munting binhi. Noong Hulyo 15, 2026, iniulat ni Cristina Eloisa Baclig ng INQUIRER .net ang isang pag-aaral na isinagawa ng mga mananaliksik mula sa University of the Philippines Diliman at York St. John University.


 Natuklasan nila na ang mga mag-aaral na naniniwalang inaasahan silang maging ganap sa paningin ng mga tao sa kanilang paligid ay higit na nanganganib na dumanas ng paghina ng kalagayang pangkaisipan at hindi mabisang paraan ng pagharap sa mga pagsubok.


Sa kabuuan, 618 na Pilipinong mag-aaral sa unibersidad ang lumahok sa pananaliksik. Nahati ito sa dalawang bahagi. 294 sa unang pag-aaral at 324 sa ikalawa. Sa mga sumunod pang pagsusuri, 308 ang nakatapos ng tatlong-buwang pagsubaybay. Sa unang bahagi nito, sinuri ang ugnayan ng iba't ibang anyo ng perfectionism at ng kalagayang pangkaisipan ng mga mag-aaral.


 Sa ikalawang bahagi naman nito ay sinubaybayan sila sa loob ng tatlong buwan upang matukoy kung paano naaapektuhan ng perfectionism ang kanilang kapakanan at mga paraan ng pagharap sa mga suliranin sa paglipas ng panahon.


Ipinakita ng pag-aaral na ang tinatawag na Socially Prescribed Perfectionism (SPP) ay may malaking kaugnayan sa paghina ng kalagayang pangkaisipan ng mga mag-aaral. Ito ang paniniwala ng isang mag-aaral na inaasahan ng kaniyang mga magulang, guro, kaibigan, at iba pang mahahalagang tao sa kaniyang buhay na maging walang kapintasan siya. Ayon sa mga mananaliksik, ang ganitong uri ng paniniwala ay madalas na iniuugnay sa mababang kasiyahan sa buhay, mataas na antas ng tensiyon, at mga paraan na hindi nakabubuti sa pagharap sa mga suliranin o problema.


Ipinakikita ng mga natuklasan na ang labis na bigat ng panlabas na inaasahan ay maaaring maging tahimik na pasaning nagpapahina sa kaisipan ng mga musmos. Unti-unting nagiging saligan ng kanilang halaga ang mga medalya at tagumpay sa halip na ang kanilang pagpupunyagi, pagkatuto, at kakayahang muling tumindig sa kabila ng mga kabiguan.


Ang mataas na pamantayan o mithiin para sa sarili ay hindi kaagad maituturing na mapaminsala. Natuklasan ng pag-aaral na ang mga mag-aaral na may matatayog na pamantayan para sa kanilang sarili ay higit na gumagamit ng mabubuting estratehiya sa pagharap sa mga suliranin, gaya ng aktibong paglutas sa mga ito at paghingi ng mainit na suporta mula sa mga taong kanilang pinagkakatiwalaan.


 Subalit kapag nalulukuban ito ng matinding paniniwalang kailangan nilang matugunan ang walang humpay na inaasahan ng iba, unti-unting napapawi ang mabuting dulot nito. Lumabas din sa pananaliksik na sa kulturang Pilipino malaki ang impluwensiya ng takot sa kabiguan, pagtanaw ng utang na loob at hangaring mapanatili ang maayos na ugnayan sa pamilya, lalo na sa mga itinuturing na haligi ng tahanan.


 Sa ilang pagkakataon ay nagsisilbi itong tanglaw upang higit pang magsikap. Ngunit kapag ang paggabay ay napalitan ng labis na pagpuna at ang paghimok ay naging pamimilit na maging perpekto, nagiging mitsa ito ng higit na mabigat na pasaning emosyonal at pangkaisipan.


Kaya nararapat lamang na pagtuunan ng higit na pansin ng mga paaralan, tagapayo, magulang at iba pa hindi lamang ang mga marka, gawain, at husay ng mga mag-aaral, kundi maging ang kanilang tunay na kalagayan kapag wala nang matang nakamasid. Maraming kabataan ang hindi lamang naging mahusay sa akademya at iba pang larangan—hindi rin mabilang ang naging bihasa sa pagganap ng katauhang masaya habang unti-unti namang nilulunod ang sarili sa katahimikan.


Kaya sa huli, sinasariwa ng pag-aaral na ang kabataan ay hindi dapat sukatin batay lamang sa kanilang mga tagumpay habang dahan-dahan pa nilang natututuhan ang mga leksyon ng buhay.  Mahabag nawa ang mga boses na nagdidikta na huwag itong bilangin bilang pagkakamali at huwag itong tingnan bilang kasalanan.

Comments


Top Stories

Stay updated with the latest news from Pulilan. Subscribe to our newsletter for instant updates.

Contact us

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter

© 2023 by Pulilan News Hub. All rights reserved.

bottom of page