top of page

Kapag Tinatanggal ang mga Tinig ng Oposisyon


Senator Bam Aquino (Photo courtesy of Senate PRIB)
Senator Bam Aquino (Photo courtesy of Senate PRIB)

Sa politika ng Pilipinas, hindi na bago ang pagtatanggal sa mga boses na madalas magtanong, kumwestyon, at kumontra. Ngunit kapag ang mga pangalang gaya ni Bam Aquino ang napupuntirya, mas nagiging malinaw na hindi lang simpleng “political move” ito—isa rin itong mensahe kung sino ang gustong manatiling may boses at sino ang gustong patahimikin.

‎Sa loob ng maraming taon, nakilala siya bilang isa sa mga personalidad na patuloy na nagdadala ng alternatibong pananaw sa gobyerno. Hindi man perpekto, dala nila ang uri ng oposisyon na nakabatay sa pagtatanong at pagsusuri. At sa isang demokrasya, mahalaga ang ganoong papel. Dahil ang gobyernong walang kinokontra ay gobyernong nagbubulagan upang protektahan ang mga taong lalong nagpapabagsak sa Pilipinas.

‎Kaya kapag may pagtatangka na alisin sila sa mga posisyon, komite, o impluwensya, hindi lang pangalan nila ang apektado. Pati ang ideya ng checks and balances ay unti-unting pumipinsala. Nagiging mas tahimik ang espasyo para sa diskusyon, at mas lumalakas ang kultura ng pagtatago sa mga may sangkot kaysa sa pananagutan.


‎Mas nakakabahala rito ang mabilis na pag-normalize ng ganitong sitwasyon. ‎


Sa social media, kadalasan nagiging simpleng “panalo” o “talunan” lang ang usapan—parang laro na kailangang may matanggal para may magwagi. Ngunit hindi dapat ganoon kababaw ang pagtingin sa politika. Kapag nababawasan ang mga lider na handang magtanong, mamaya pati ang taong-bayan ay mawalan na rin ng lakas ng loob na magtanong. Lalo na’t si Bam ay ang dating Chair ng Committee on Basic Education. Ano na lamang ang mangyayari sa mga paaralan kung walang matinong puwedeng mamuno dito.

‎Hindi kailangang sang-ayunan ng lahat si  Bam  para makita ang halaga ng kaniyang presensya. Ang tunay na sukatan ng isang demokratikong sistema ay hindi kung gaano kalakas ang mayorya, kundi kung gaano kalaya ang minoryang magsalita at mapalabas ang katotohanan.

‎Sa huli, ang demokrasya ay hindi lang tungkol sa kung sino ang nanalo sa eleksyon. Tungkol din ito sa kung may natitira pa bang espasyo para sa mga boses na siyang magtatanggol at magpapanagot sa mga may sala.

Comments


Top Stories

Stay updated with the latest news from Pulilan. Subscribe to our newsletter for instant updates.

Contact us

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter

© 2023 by Pulilan News Hub. All rights reserved.

bottom of page