top of page

Kontrol na papatay sa tiwala


May manipis na linya sa pagitan ng pag-aaruga at pagkontrol at maraming magulang ang tahimik na tumatawid dito. Hindi ito simpleng estilo ng pagpapalaki. Ito ay usapin ng tiwala at karapatan.


Sa maraming tahanan, ang pribasiya ng mga anak ay tila wala. Binubuksan ang cellphone nang hindi nagpapaalam. Binabasa ang mga mensahe. Pinapasok ang kwarto nang hindi kumakatok. Ang ganitong mga gawain ay madalas na itinuturing na normal kahit malinaw na lumalampas na ito sa personal na hangganan ng kabataan.


Ayon sa mga pag-aaral, kapag nararamdaman ng kabataan na wala silang pribasiya, mas nagiging lihim sila at mas lumalayo ang loob nila sa kanilang mga magulang. Hindi ito haka-haka lamang. Ipinapakita ng pananaliksik na ang sobrang kontrol ay nagreresulta sa mas kaunting pagbabahagi at mas mataas na posibilidad ng pagtatago ng impormasyon. Kung ang layunin ay mapalapit ang anak, bakit ang bunga ay distansya?


Ang pribasiya ay hindi luho ng kabataan. Ito ay paghubog bilang tao. Dito nila natutunang mag-isip para sa sarili, gumawa ng desisyon, at unawain ang kanilang mga emosyon. Kapag ito ay patuloy na kinokontrol, nawawala ang pagkakataong matuto sila nang mag-isa. Sa halip na maging handa sa totoong mundo, nagiging dependent sila at takot silang magkamali.


Madalas itong ikinukubli sa likod ng kulturang Pilipino, kung saan ang pagsunod ay katumbas ng paggalang. Ngunit ang respeto ay hindi dapat bunga ng takot kundi ng pag-unawa. Ang anak na walang boses ay hindi masunurin kundi napipilitang manahimik.


Hindi masama ang mag-alala. Hindi mali ang gumabay. Ngunit may hangganan ang panghihimasok. Ang tiwala ay hindi lamang ibinibigay kapag perpekto ang anak. Ibinibigay ito upang matutong maging responsable.


Kung nais ng mga magulang na bukas at tapat ang kanilang anak, dapat magsimula ito sa pagbibigay ng espasyo. Dahil dito, ang batang lumaking walang pribasiya ay hindi natutong magtiwala sa iba, lalo na sa sarili. At iyon ang mas malaking panganib kaysa sa mga bagay na pilit nilang binabantayan.

Comments


Top Stories

Stay updated with the latest news from Pulilan. Subscribe to our newsletter for instant updates.

Contact us

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter

© 2023 by Pulilan News Hub. All rights reserved.

bottom of page