top of page

Laban sa Diskriminasyon

Updated: Jul 25


Batas at hustisya. Dalawang salita lamang ito, ngunit may malalim na kahulugan para sa taumbayan. Bakit nga ba tila ipinagkakait ng mga nasa kapangyarihan ang pantay na panghuhusga at pagtrato sa mga nasa ilalim nila? Ito ang tanong na bumabagabag sa ating isipan: Kailan nga ba matatapos ang ganitong uri ng diskriminasyon sa Pilipinas? Wala na bang karapatan ang karaniwang Pilipino na ipaglaban ang sarili?


Nakasaad sa Konstitusyon ng 1987, Artikulo III, Seksyon 1: "Walang sinuman ang pagkakaitan ng pantay na proteksyon ng batas." Sinasabi rito na lahat ay pare-pareho sa harap ng batas, mayaman man o mahirap, makapangyarihan man o simpleng mamamayan lamang. Ngunit nasusunod nga ba ito sa totoong buhay?


Marami ang nagsasabing laganap ang katiwalian sa gobyerno, at iilan lamang ang napaparusahan kahit kilala naman kung sino ang may sala. Tulad ng mga proyektong dapat sana ay tutulong sa atin, gaya ng flood control projects na layong sugpuin ang pagbaha—ngunit nananatili itong pangako lamang. Ang mga ito ay naging "ghost projects" na lamang: nakatala sa papel, ngunit hindi naman ipinatupad o natapos.


Ang pondong dapat sana ay nakalaan para sa kapakanan ng bayan ay ibinubulsa ng mga tiwaling opisyal para sa sariling luho. Habang sila ay nagpapakasasa, ang karaniwang mamamayan ay patuloy na naghihirap, nagbabayad ng buwis na siyang pinagkukunan sana ng pondo para sa mga proyektong ito.


Sa kabilang banda, ang mga simpleng mamamayan ay madaling maparusahan kahit sa maliliit na pagkakamali. Ang hustisya ay tila nagiging mas mabilis at madaling makamit kung may pera at koneksyon, habang para sa mahihirap ay nagiging mahirap abutin. Hindi sapat na nakasulat lamang sa papel ang pantay na karapatan. Ang tunay na batas ay dapat walang kinikilingan, at ang hustisya ay dapat nararamdaman ng lahat.

Comments


Top Stories

Stay updated with the latest news from Pulilan. Subscribe to our newsletter for instant updates.

Contact us

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter

© 2023 by Pulilan News Hub. All rights reserved.

bottom of page