top of page

Legal Advice ni Ate Vice: Usapang Bentahan ng Lupa


Maraming Pilipino ang nangangarap na magkaroon ng sariling lupa. Ito ay bunga ng matagal na pagtatrabaho para sa iba at mana mula sa mga magulang o kamag-anak. Ngunit bilang isang abogado, nakikita ko na marami pa ring nagkakamali pagdating sa pagbili, pagmamay-ari, at pagpapamana ng lupa dahil sa kakulangan ng kaalaman sa tamang proseso sa batas.


Mahalagang malaman natin ang pagkakaiba ng rehistradong lupa at hindi rehistradong lupa.

Kapag sinabing rehistrado ang lupa, ibig sabihin, may titulo itong inilabas ng Registry of Deeds. Ito ang pinakamahalagang patunay kung sino ang legal na may-ari ng ari-arian. Kaya bago kayo bumili ng lupa, palagi kong ipinapayo na i-verify muna ang titulo sa Registry of Deeds kung saan matatagpuan ang property. Huwag basta maniwala sa photocopy o sa simpleng paliwanag lamang ng nagbebenta.


Sa realidad, marami pa ring bentahan ng lupa sa Pilipinas na ginagawa kahit walang titulo. Ang iba ay umaasa lamang sa tinatawag na deed of sale. Isa itong kasulatan, o acknowledgement receipt.


Bagama't maaaring may kasunduan sa pagitan ng buyer at seller, hindi nito awtomatikong naililipat ang legal na pagmamay-ari sa lupa. Dito nagsisimula ang maraming problema, lalo na kapag may ibang claimant o kaya ay nagkaroon ng sigalot sa pamilya ng nagbenta.


Mahalagang tandaan na hindi natatapos sa bayaran ang pagbebenta ng lupa. Palagi kong pinapaalala na kailangan ding kumpletuhin ang legal na proseso, gaya ng pagbabayad ng capital gains tax, documentary stamp tax, transfer tax, at registration fees, bago tuluyang mailipat ang titulo sa pangalan ng mamimili. Kapag hindi ito ginawa, maaaring kayo ang gumagamit ng lupa ngunit hindi pa rin kayo ang legal na may-ari nito sa mata ng batas.


Mas komplikado naman ang sitwasyon kapag unregistered land ang pinag-uusapan. Maraming pamilya ang matagal nang nakatira sa isang lote, ngunit wala palang opisyal na titulo. Sa ganitong sitwasyon, mahirap patunayan ang ownership at kadalasan ay kailangan pang dumaan sa mahabang proseso upang maiparehistro ang lupa. Kaya hangga't maaari, mas mabuting siguraduhin ang legal na estado ng property bago mag-invest ng pera.


Kaya ang lagi kong paalala: bago bumili ng lupa, siguraduhing beripikado ang titulo. Bago pumirma sa anumang kasunduan, alamin muna ang legal na epekto nito.

Comments


Top Stories

Stay updated with the latest news from Pulilan. Subscribe to our newsletter for instant updates.

Contact us

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter

© 2023 by Pulilan News Hub. All rights reserved.

bottom of page