top of page

Legal Advice ni Ate Vice: Maaari Ka Bang Kasuhan sa Pagpo-post ng Screenshot ng Chat?


Sa panahon ng social media, napakadali nang kumuha ng screenshot at i-post ito online. Madalas natin itong nakikita sa mga alitan ng magkaibigan, magkarelasyon, magkatrabaho, o maging sa mga usaping pampulitika. Ngunit bilang abogado, isa sa mga madalas itanong sa akin ay ito: Maaari bang kasuhan ang isang tao dahil lamang sa pag-post ng screenshot ng pribadong usapan?


Ang maikling sagot ay: depende.


Marami ang nag-aakala na awtomatikong paglabag sa Data Privacy Act ang pag-post ng screenshot ng chat. Ngunit hindi ganoon kasimple ang batas. Hindi lahat ng screenshot na ipinost sa social media ay nagreresulta sa legal na pananagutan.


Mahalagang maunawaan muna kung ano ang pinoprotektahan ng Data Privacy Act. Ang pangunahing layunin ng batas ay protektahan ang personal information at sensitive personal information ng isang tao.


Kapag ang screenshot na ipinost ay naglalaman ng impormasyon gaya ng buong pangalan, address, contact number, email address, o iba pang detalye na maaaring gamitin upang makilala o ma-identify ang isang tao, maaaring magkaroon ng paglabag depende sa sitwasyon. Ganito rin kung ang inilabas na impormasyon ay sensitibong detalye tungkol sa kalusugan, sexual orientation, relihiyon, mga kaso sa hukuman, administratibong reklamo, o iba pang personal na bagay na maaaring magdulot ng pinsala sa reputasyon o karapatan ng isang tao.


Sa kabilang banda, hindi lahat ng nilalaman ng isang chat conversation ay saklaw ng Data Privacy Act. Kung ang pinag-uusapan lamang ay mga ordinaryong bagay tulad ng paboritong pagkain, pelikula, kulay, o mga pangkaraniwang opinyon na walang kinalaman sa sensitibong personal na impormasyon, mahihirapang patunayan na may paglabag sa batas sa privacy.


Bilang legal practitioner, madalas kong ipinaaalala na hindi sapat na may screenshot lamang. Kailangang mapatunayan din na may personal o sensitibong impormasyon na nailantad at na may karapatan ang nagrereklamo na napinsala dahil sa naturang paglalathala.


Gayunman, hindi nangangahulugan na ligtas ka na agad sa pananagutan kapag walang paglabag sa Data Privacy Act. Maaaring may iba pang batas na pumasok depende sa nilalaman at epekto ng iyong ginawa.


Halimbawa, kung ang pag-post ng screenshot ay ginawa upang pahiyain, siraan, o ilagay sa kahihiyan ang isang tao, maaaring magkaroon ng usapin tungkol sa cyber libel o iba pang uri ng pananagutang sibil at kriminal. Ang bawat kaso ay nakadepende sa mga partikular na pangyayari at ebidensiyang maihaharap.


May isang mahalagang prinsipyo na dapat nating tandaan. Kapag ang isang pag-uusap ay naganap sa pribadong chat, may inaasahang antas ng privacy ang mga taong kasali rito. Bagama't hindi lahat ng pribadong usapan ay awtomatikong protektado ng Data Privacy Act, hindi rin ibig sabihin na malaya na tayong ilantad ang mga ito sa publiko nang walang posibleng legal na kahihinatnan.


Kaya bago mag-post ng screenshot ng chat, mag-isip muna. Tanungin ang sarili kung may personal na impormasyong malalantad, kung maaaring makapinsala ito sa ibang tao, at kung may sapat bang dahilan upang gawing publiko ang isang usapang orihinal na inilaan para sa pribadong komunikasyon.


Sa batas, hindi lahat ng bagay na kayang gawin ay dapat gawin. At sa panahon ng social media, ang isang pindot lamang ay maaaring humantong sa isang kasong hindi mo inaasahan.

Comments


Top Stories

Stay updated with the latest news from Pulilan. Subscribe to our newsletter for instant updates.

Contact us

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter

© 2023 by Pulilan News Hub. All rights reserved.

bottom of page