top of page

Pagtaas ng Bayarin: Singil sa Kuryente ikinagulat ng mga Konsyumer


Ngayong panahon ng tag-init, hindi lang init ang nagpapapawis at hinaharap ng bawat pamilya, kundi pati na rin ang biglaang pagtaas ng kuryente ngayong taon. Ang akala ng iba ay ang pagtaas ng bilihin lamang ang kanilang problema ngayon, ngunit ang biglaang pagtaas ng singil ay hindi inaasahan ng mga Pilipino.


Sa unang kuwarter pa lang ng taon, ilang beses nang tumataas ang singil sa kuryente bawat kilowatt-hour. Karamihan sa mga Pilipino ay pinipilit na magtipid kahit sobrang init na ng panahon. Ang iba ay isang bentilador na lamang ang ginagamit, pero imbes na nabawasan ang kanilang bayarin, mas dumoble pa ito kumpara sa regular nilang bayarin.


Tila nakuryente ang mga konsyumer sa mga dagdag na singil na inilagay ng  Meralco. Ayon sa paliwanag ng Meralco sa hearing, ang mga sinisingil nila tulad ng generation, transmission, system loss, distribution, senior citizen, government taxes, lifeline at iba pang bayarin ay para naman sa makabuluhang bagay tulad na lang ng Lifeline at Senior Citizen charges, na tumutugon para sa mga matatanda at 4P's beneficiaries na nahihirapan sa pagbabayad ng kanilang kuryente. Sa kabilang banda, ang System loss naman ay para sa mga jumper na binabayaran din ng mga konsyumer.


Mahirap kumita sa panahon ngayon. Ang mga Pilipino na naghahanapbuhay at lumalaban nang patas para maitawid sa hirap ang kanilang mga sarili at pamilya. Sa pagtaas pa lamang ng bilihin, hirap na hirap na ang mga Pilipino; paano pa kaya ang dagdag na singil sa kuryente na iba lang din naman ang nakikinabang?


Sa aking palagay, hindi na dapat puro imbestiga lang ang nangyayari; nararapat na tumugon at umaksyon ang gobyerno at Meralco tungkol dito. Dahil hindi biro ang biglang pagtaas ng bayarin nang wala man lang abiso. Kung kakaunti lang ang sweldo ng bawat Pilipino sa isang linggo at mapupunta lang ito sa pambayad ng kuryente, paano na lamang ang pang-araw-araw na kailangan ng mga mamamayan? Lahat tayo ay nahihirapan sa panahon ngayon, ngunit ang agarang pag-aksyon sa problemang kinahaharap ay ang solusyon para sa ikabubuti ng ating bansa.

Comments


Top Stories

Stay updated with the latest news from Pulilan. Subscribe to our newsletter for instant updates.

Contact us

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter

© 2023 by Pulilan News Hub. All rights reserved.

bottom of page