top of page

Pangungulila sa Likod ng Tagumpay

Hindi lahat ng tagumpay ay nasasaksihan nang magkakasama ang pamilya. Para sa isang magulang na nagtatrabaho sa ibang bansa, ang moving up ceremony ng kanyang anak ay hindi lamang isang masayang okasyon—ito rin ay puno ng lungkot at pangungulila.


Isang OFW na si Mrs. Melissa Butuhan, apatnapu’t isang taong gulang, na kasalukuyang nasa Kingdom of Saudi Arabia, ang nagbahagi ng kanyang karanasan nang hindi siya makadalo sa moving-up ceremony ng kanyang anak. Sa halip na personal na masaksihan ang mahalagang araw na ito, pinanood niya lamang ito sa pamamagitan ng Salin-Lente live streaming.


Ayon sa kanya, masakit tanggapin na hindi siya makakasama sa araw na matagal nilang pinaghandaan. Sa mga nakaraang taon, siya ang laging umaakyat sa entablado kasama ang kanyang anak tuwing may natatanggap itong parangal. Ngunit sa pagkakataong ito, malayo siya—at tanging screen lamang ang nagsilbing tulay sa kanilang pagitan.


Habang pinapanood niya ang ceremony, hindi niya napigilan ang kanyang emosyon. Magkahalong saya at lungkot ang naramdaman niya. Masaya siya dahil nakita niyang nakapagtapos ang kanyang anak, ngunit kasabay nito ang matinding lungkot dahil hindi siya ang kasama nito sa pag-akyat sa entablado. Sa bawat sandali ng live streaming, tumulo ang kanyang luha—patunay ng pagmamahal at pangungulila bilang isang magulang.


Ibinahagi rin niya na mas mabigat ang pakiramdam ng panonood lamang sa live kumpara sa kung siya ay naroon nang personal. Hindi niya mayakap o mabati ang kanyang anak—mga simpleng bagay na sana’y kanyang nagawa kung siya ay naroon.


Bilang isang OFW, aminado siyang hindi madali ang pagiging malayo sa pamilya. Maraming sakripisyo ang kaakibat ng kanyang trabaho—ang pag-iwan sa mga mahal sa buhay, pagtitiis sa lungkot, at pagharap sa pagod at mga panganib sa ibang bansa. Ngunit sa kabila ng lahat, patuloy siyang nagsusumikap para sa kinabukasan ng kanyang mga anak.


Kung siya raw ay naroon sa ceremony, ang una niyang gagawin ay yakapin nang mahigpit ang kanyang anak at pasalamatan siya sa kanyang pagsisikap sa pag-aaral. Para sa kanya, ang tagumpay ng kanyang anak ay tagumpay rin niya bilang magulang.


Sa huli, isang salita ang naglalarawan sa kanyang nararamdaman—pangungulila.


“Maraming salamat sa iyong pagsusumikap. Ang pagtatapos mo ay simula pa lamang ng iyong tagumpay. Magpatuloy kang mangarap at magsikap. Lagi kang magdasal at magpasalamat sa Diyos,” mensahe niya sa kanyang anak.


Sa likod ng bawat medalya at pag-akyat sa entablado, may mga magulang na tahimik na nagsasakripisyo at nagmamahal mula sa malayo. At kahit hindi man sila pisikal na naroon, ang kanilang suporta at pagmamahal ay nananatiling gabay sa bawat tagumpay ng kanilang mga anak.



Comments


Top Stories

Stay updated with the latest news from Pulilan. Subscribe to our newsletter for instant updates.

Contact us

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter

© 2023 by Pulilan News Hub. All rights reserved.

bottom of page