top of page

Sa Gitna ng Baha, Naririnig Ba ang Tinig ng mga Estudyante?

Sep 9
2 min read

Ilang bayan sa Bulacan ang nakaranas ng matinding pagbaha dulot ng patuloy na pag-ulan nitong mga nakaraang linggo. Isa na rito ang Malolos City, kung saan matatagpuan ang isa sa mga kilalang unibersidad sa buong Bulacan. Ang Bulacan State University.

Ngunit sa patuloy na pagbuhos ng ulan, tila patuloy din ang paghihintay ng mga estudyante na marinig at mapakinggan ang kanilang mga hinaing ng pamantasan. Noong Setyembre 8, 2026, isa ako sa mga estudyanteng nakaranas ng ma-stranded sa loob ng pamantasan.

Kinansela ang mga klase para sa mga estudyanteng may 5:00–8:00 p.m. na klase bandang alas-5 ng hapon.

Gayunpaman, nakarating ang anunsyo sa karamihan bandang alas-5:40 ng hapon (tinatayang oras), sapagkat nang ipabatid ito sa amin ng Governor ng College of Professional Teacher Education (CPTED), na si Governor Jules Villafania, ay kasalukuyan kaming kumukuha ng pagsusulit.

Dahil dito, ginabi na ang karamihan sa pag-uwi. Bandang 6:40 ng gabi, nagsimula na kaming maghintay ng jeep upang makauwi, ngunit wala kaming mahanap na masasakyan. Dahil dito, napilitan kaming maglibot sa ilan sa mga rutang dinadaanan ng mga jeep upang makahanap ng masasakyan. Bandang 7:45 ng gabi nang tuluyan kaming nakasakay.

Nakasaad sa Joint Memorandum No. 21, S. 2026, na inilabas noong Setyembre 6, 2026, na hindi inoobliga ang mga estudyante na magsuot ng uniporme at maaari silang magsuot ng naaangkop na pananamit. Ngunit sapat nga ba ito kung ang mga estudyante ay maaari pa ring malagay sa alanganin dahil sa baha? Sa halip na ang kaligtasan ng sarili at kapakanan ng pamilya ang iniisip, nauuwi sa pag-aalala ang ilan dahil kailangan pa ring pumasok at mag-review para sa paparating na midterms.

Ilang beses na ring nanawagan ang mga estudyante, gayundin si President Iesu Rex Cruz, tungkol sa mga nararanasang ganitong sitwasyon. Gayunpaman, sa bawat mensaheng ipinapaabot sa pamantasan, marami pa rin sa mga estudyante ang nakararamdam na hindi sapat ang tugon sa kanilang mga hinaing.

Kaya naman, patuloy na panawagan ng mga estudyante: “Academic Ease Now!”

Umaasa kami na marinig at mapakinggan ng pamantasan ang mga hinaing ng mga estudyante. Sa panahon ng matinding pag-ulan at pagbaha, naniniwala kami na ang kaligtasan at kapakanan ng bawat estudyante ay dapat manatiling pangunahing konsiderasyon, kasabay ng pagpapanatili ng kalidad ng edukasyon. Dahil mas mahalaga ang kaligtasan ng bawat isa, kaysa sa pagpasok sa isang unibersidad na nagbibingihan kapag estudyante na ang pumuna.

Comments


Top Stories

Stay updated with the latest news from Pulilan. Subscribe to our newsletter for instant updates.

Contact us

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter

© 2023 by Pulilan News Hub. All rights reserved.

bottom of page