top of page

Presyo'y pasulong, tugon ay paurong: Hanggang kailan?


Ang bilis ng pagtaas ng presyo ng gasolina sa Pilipinas—parang may sarili itong jet. Samantalang ang sahod? Ayun, naglalakad—minsan nga nakatambay pa. Habang ang mga pamilya ay abala sa pagba-budget kung paano pagkakasyahin ang isang linggong gastusin, tila may ibang reality show na pinagkakaabalahan ng mga nasa itaas—yung parang hindi nila ramdam ang sampung pisong dagdag sa presyo ng bigas. Pero para sa iba, malaking bagay na iyon. Tila may ibang mundo ang gumagawa ng desisyon—mundong hindi apektado ng mahal na bigas, mahal na bilihin, pamasahe, at mahal na lahat.


Kapag tumaas ang presyo ng gasolina, hindi lang naman ito ang apektado. Automatic: taas-pamasahe, taas-presyo ng gulay, taas-presyo ng karne—pati nga yata ang hangin, gusto na ring singilin. Parang may memorandum yata ang lahat ng bilihin: "Uy, tumaas ang gasolina, tara, sunod tayo." Ang ending? Yung dating 1000-pisong pinamili mo, parang 500 piso na lang ngayon. Ang saya, 'di ba?


Pero may "solusyon" naman daw. Ayuda na parang patak ng tubig sa naglalagablab na apoy. Isang beses mo na lang matatanggap, tapos bahala ka na ulit sa susunod na linggo. Parang sinabi lang sa'yo na, "O, ito, kaunting ginhawa… good luck na lang bukas!"


Habang may mga taong literal na nagtitipid hanggang sa huling sentimo, may mga patakarang ipinatutupad na parang walang kinalaman sa aktuwal na realidad. Bigla na lang may bagong bayarin, bagong proseso, bagong "improvements" na hindi mo naman maramdaman. Ang tanong: para kanino ba talaga ang mga ito? Para sa mamamayan o para lang masabing may ginagawa?


Tapos may mga pahayag pa na parang kasalanan mo pa kung bakit ka nahihirapan. "Magtipid ka kasi." "Mag-adjust ka." Ay, wow. Paano ka pa magtitipid kung wala ka nang matitipid? Ano ang susunod? Tuwing birthday na lang ba makakakain nang maayos?


Global daw ang problema. Oo, gets—global. Pero bakit parang mas mahirap ang local? Kung global ang problema, dapat global din ang pag-handle nito. Bakit parang trial-and-error ang peg?


Minsan, mapapangiti ka na lang sa inis. Sa dami ng alalahanin na harap-harapan nang nangyayari, ang mga solusyon ay nagmistulang multo: naririnig mo pero hindi mo makita. Kung gaano kataas ang presyo, ganoon naman kawalang-saysay ang tugon. Habang ang presyo ay tuloy-tuloy na tumataas, ang aksyon ay nagbabakasyon—kailan kaya sila darating?


Kaya kung may dapat tuligsain, hindi ang mga taong nagrereklamo—kundi ang sistemang paulit-ulit silang binibigyan ng dahilan para magreklamo. Hanggang kailan ang palusot at kailan mararamdaman ang tunay na solusyon?

Comments


Top Stories

Stay updated with the latest news from Pulilan. Subscribe to our newsletter for instant updates.

Contact us

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter

© 2023 by Pulilan News Hub. All rights reserved.

bottom of page