top of page

“Ako Nga ’E” Syndrome

Sa maraming tahanan, may isang linyang paulit-ulit na naririnig ng mga anak sa tuwing sila’y napapagod, nasasaktan, o gustong maglabas ng nararamdaman: “Ako nga noon…” “Kami nga dati…” Kasunod nito ang mga pahayag na naghahambing sa hirap ng pinagdaanan ng mga magulang noon kumpara sa dinaranas ng kabataan ngayon. Ito ang tinatawag na “Ako nga ’e” syndrome—isang kaisipang ginagamit ang sariling karanasan upang maliitin o isawalang-bahala ang nararamdaman ng isang tao. Ngunit kailangan ba talagang ipamukha sa iba ang sariling paghihirap? Para saan? Upang balewalain ang kanilang damdamin?



Totoong hindi naging madali ang buhay ng mga magulang noon. Marami sa kanila ang nakaranas ng matinding paghihirap, lumaking salat sa pera, nakaranas ng gutom, at nawalan ng oportunidad sa edukasyon. Ngunit hindi nangangahulugang dahil mas mahirap ang kanilang pinagdaanan ay wala nang karapatang mapagod, masaktan, o magsalita ang mga kabataan ngayon. Hindi nakatutulong ang paghahambing ng karanasan upang maging tama at isantabi ang suliranin ng nakababatang henerasyon.


Sa halip na makinig, nauuwi ang usapan sa kompetisyon kung sino ang mas naghirap. Kapag pagod ang bata sa pag-aaral, madalas nilang sabihin na, “Ako nga noon, naglalakad para makapasok lang at limang piso lang ang baon.” Kapag nasasaktan ang bata—pisikal, emosyonal, o mental—agad nilang sasabihin na, “Mas mahirap ang pinagdaanan namin noon.” At marami pang katagang walang dulot kundi ang mangmaliit ng iba.


Dahil sa ganitong kaisipan, natututong kimkimin ng mga nakababata ang kanilang saloobin dahil pakiramdam nila’y walang saysay ang kanilang nararamdaman sapagkat hindi ito pinapansin.

Mapanganib ang ganitong pag-iisip. Hindi nito pinatatatag ang anak kundi tinuturuan lamang silang manahimik. Unti-unti ring napuputol ang samahan ng anak at magulang dahil sa kakulangan ng komunikasyon at pag-unawa.


Hindi kasalanan ng mga magulang kung dala nila ang hirap ng nakaraan. Ngunit responsibilidad nilang tiyaking hindi ito naipapasa bilang panumbat sa kasalukuyan. Bilang mga magulang, dapat nilang isabuhay ang pakikinig, paggabay, at pag-unawa sa nararamdaman ng kanilang mga anak. Sapagkat kung hindi ito maagapan, maaaring maulit ang ganitong gawain sa susunod na henerasyon kung saan sila naman ang magiging magulang.


Hindi kailangang marinig ng anak ang “ako nga ’e.” Mas kailangan nilang marinig ang “Naiintindihan kita.” Dahil sa mundong puno ng pagod at ingay, ang tahanan sana ang unang lugar kung saan sila tunay na napapakinggan.

Comments


Top Stories

Stay updated with the latest news from Pulilan. Subscribe to our newsletter for instant updates.

Contact us

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter

© 2023 by Pulilan News Hub. All rights reserved.

bottom of page