top of page

Ang Orasang Hindi Humihinto


"Five minutes pa..."

Hindi ko na mabilang kung ilang beses ko nang sinabi 'yan sa sarili ko.

Nakakatawa nga. Ang limang minuto, bigla na lang nagiging sampu. Minsan, trenta pa. Hanggang sa isang tingin ko sa dingding, pakiramdam ko ay may nang-aasar.

Tik... tak... tik... tak...

Hindi naman nagsasalita ang orasan, pero pakiramdam ko, lagi niya akong minamadali.

Araw-araw, ganoon ang eksena. Gigising, mag-aayos, kakain, mag-aaral, at tatapusin ang kung ano ang dapat tapusin. Kapag tapos na ang isa, may panibago na namang naghihintay. Parang walang katapusan.

Minsan, gusto ko na lang humiga. Iyong tipong kahit limang minuto lang, pahinga muna. Pero alam mo 'yong pakiramdam na kahit nakapikit ka na, may mga gawain pa ring umiikot sa isip mo? Nakakapagod din pala ang pagod na hindi nakikita.

May mga araw ding tinatamad akong magsimula. Hindi dahil ayaw kong gawin ang mga responsibilidad ko, kundi dahil pagod na ako at sawa na sa paulit-ulit na eksena.

Pero bago pa tuluyang manaig ang katamaran, may maliit na usapan munang nangyayari.

"Sige na... simulan mo na. Kapag ginawa mo 'to ngayon, mababawasan ang mga gawain mo mamaya at mas mabilis kang makakatapos."

Parang domino.

Kapag nakahanay pa sila sa mesa, parang ang hirap isipin kung paano sila lahat gagalaw. Pero isang tulak lang pala sa una, kusa nang sumunod ang iba.

Doon ko napagtanto na baka ganoon din ang mga gawain ko. Hindi sila nakakatakot dahil marami sila. Nakakatakot lang sila habang hindi pa ako nagsisimula.

Kaya isang gawain muna.

Tapos isa ulit.

Hanggang sa hindi ko namamalayang marami nang check sa planner ko. Unti-unti ring gumagaan ang pakiramdam ko.

Pero hindi ibig sabihin noon na hindi na ako napapagod.

May mga gabing gusto ko na lang itanong sa sarili ko kung sapat ba ang ginagawa ko. Kung may patutunguhan ba ang lahat ng pagpupuyat, pagbabasa, at paulit-ulit na pagsisikap.

Tapos bigla kong naalala ang isa pang pangungusap na matagal ko nang baon sa kadulu-duluhan ng isip ko.

"Ginagawa ko 'to para sa mga pangarap ko."

Hindi naman agad nawawala ang pagod kapag naiisip ko iyon. Pero nagkakaroon ito ng dahilan.

Parang lapis.

Habang paulit-ulit ko itong tinatasahan, akala ko unti-unti na itong nauubos. Pero ang totoo, bawat bawas ay dahilan para mas tumalas ang dulong ginagamit sa pagsusulat.

Siguro ganoon din ang tao. Siguro ganoon din ako, tayo.

Hindi lahat ng pagod ay pagkawala. Minsan, bahagi lang pala iyon ng paghubog sa kung sino ang gusto mong maging.

Pero isang araw, may napansin akong mali.

Pakiramdam ko, kapag nagpapahinga ako, parang may kasalanan ako.

Kapag nanonood ako ng sandali o nakikipagkuwentuhan sa pamilya, may boses na nagsasabing, "Dapat nag-aaral ka."

Hanggang sa isang gabing ubos na ubos ang lakas ko, naisip ko ang cellphone ko.

Kahit gaano pa kaganda ang model nito, kahit gaano pa kabilis ang processor o gaano pa kalaki ang storage, kapag hindi mo isinaksak sa charger, mamamatay pa rin.

Napangiti ako.

Kung ang isang bagay na ginawa para magtrabaho ay kailangang mag-recharge, bakit ko ipinagdadamot iyon sa sarili ko?

Doon ko unti-unting natutuhang hindi pala kalaban ang pahinga.

Hindi rin pala nasusukat ang sipag sa dami ng oras na gising ka.

May mga pangarap na hindi naaabot sa kakatakbo nang walang tigil. Minsan, kailangan mo ring huminto, huminga, at alalahaning tao ka rin.

Simula noon, hindi na puro gawain ang nilalagay ko sa planner ko.

May espasyo na rin para sa pahinga.

Para sa pamilya.

Higit sa lahat, para sa pananampalataya.

At sa tuwing naririnig ko ang "tik… tak… tik… tak…", hindi ko na iniisip na hinahabol ako ng oras.

Sa halip, para na lang itong paalala na hindi kailangang madaliin ang lahat.

Dahil kahit kailan, ang orasan ay hindi naman tumalon mula alas-sais papuntang alas-dose.

Bawat oras, binibigyan muna nito ng pagkakataon ang bawat segundo na gawin ang trabaho nito.

Ganoon din ang pangarap.

Hindi kailangang matapos ngayon.

Ang kailangan lang ay huwag tumigil sa pag-usad.

Isang segundo.

Isang hakbang.

Isang pangarap.

Sa tamang oras.

Comments


Top Stories

Stay updated with the latest news from Pulilan. Subscribe to our newsletter for instant updates.

Contact us

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter

© 2023 by Pulilan News Hub. All rights reserved.

bottom of page