top of page

Basura sa Bayan: Tali sa Leeg ni John Antonio


Isang mahusay at malikhain si John Antonio; ilaw para sa kaniya ang paggawa ng iba’t ibang uri ng robot na gawa sa plastik na bote o mga basurang maaari pang i-recycle. Ito ang kaniyang aliwan sa pang-araw-araw na pagdilat ng mga mata niya na may ngiti at saya sa puso. Ngunit sa isang iglap ng kaniyang mga mata—mundong hindi niya mawari ang nasilayan niya.


Sa tuwing maglalakbay si Antonio sa kaniyang minamahal na bayan, palaging may liwanag sa kaniyang mga labi. Ito ay dahil sa magagandang tanawin na kaniyang nakikita: mga ibon na lumilibot sa berdeng ulap, mga punong nagsisikawayan, at hangin na bumubulong ng saya.


Tahimik at palaging malaya siyang naghahanap ng basura para sa kaniyang paboritong libangan. Sa paghahanap ng boteng plastik, straw, karton at iba pang materyal na maaari niyang magamit, ito’y hindi lamang basura para sa kaniya; ito’y simbolo ng sining.

Ngunit isang araw, nagbago ang lahat.


Kinuha ng mga basurang mababaho sa paligid ang ngiti sa mata at sa labi ni Antonio. Mga basurang hindi maipinta dahil sa umaalingasaw na amoy at nakakasakit sa paningin. Sa pagtitig ni Antonio sa paligid na dating naging sanhi ng kaniyang pagkasabik, nauwi ito sa lungkot at dismaya. Ang dating basurang itinuring niyang sining ay maputla na ngayon.


Basurang bumubulabog sa kalusugan ng mga tao. Ito’y palutang-lutang sa tubig, dahilan ng pagkakasakit ng mga lamang-dagat. Nagiging sagabal ito sa buhay ng mga isda at iba pang nilalang sa dagat. Sa hangin, umaalingasaw ang amoy ng karumihan na dumadampi sa bawat sulok ng bayan.


Ang dating payapang lugar ay unti-unting natatabunan ng dumi at kapabayaan. Mga langaw na nagsasayaw sa ibabaw ng karumihan, at mga mamamayang nasasakal sa mundong unti-unting nagiging marungis—mundo na sila rin ang may kasalanan kung bakit ito’y sinakop ng baho.


Sa gitna ng lahat ng ito, tahimik na nakatayo si Antonio. Hawak pa rin niya ang mga basurang dati niyang itinuturing na sining, ngunit ngayon ay tila mabigat na sa kaniyang mga kamay. Sa kaniyang isipan, unti-unting nagbabanggaan ang dalawang mundo—ang sining na kaniyang minahal at ang katotohanang ang sining na iyon ay ngayon ay sanhi ng unti-unting pagkasira ng bayan.


Doon niya napagtanto: ang tunay na obra ay hindi lamang gawa sa basura, kundi sa pag-asa na balang araw, ang bayang ito ay muling magiging malinis—hindi lamang sa paningin, kundi pati sa puso ng mga tao.

Comments


Top Stories

Stay updated with the latest news from Pulilan. Subscribe to our newsletter for instant updates.

Contact us

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter

© 2023 by Pulilan News Hub. All rights reserved.

bottom of page