top of page

Happy Mother's Day, Ate!


Sa bawat pamilya, mayroong isang taong madalas na tahimik at nagmamasid lamang, walang hinihinging kahit anong kapalit, at siya ang palaging nakatoka sa lahat ng gawain at pag-aalaga. Siya si Ate—babaeng panganay na anak ng pamilya, hindi lamang basta anak, kapatid, o apo, kundi siya na rin ang tumatayo bilang pangalawang ina sa tahanan.


Bata pa lamang siya, nakasanayan na ni Ate ang maging magandang halimbawa sa lahat. Subalit dumating din ang pagkakataon na kinailangan siya ng pamilya—dahil sa hirap ng buhay—at ang tungkulin ay biglang lumawak at bumigat.


Kung dati ay nagagawa pa niyang makipaglaro sa mga nakababata niyang kapatid, ngayon ay hindi na. Ang dating simpleng pagiging ate ay napalitan ng mabigat na pasanin at responsibilidad: siya na ang naglilinis ng tahanan, siya na ang nagmomroblema kung may kakainin ba ang pamilya, at siya na ang nag-aalaga sa mga nakababata niyang kapatid.

Si Ate, madami na 'yang nakalimutan. Nakalimutan niyang bata pa rin siya. May mataas siyang pangarap para sa sarili niya, may mga pangangailangan din siya, at may mga panahong magtatago siya sa isang silid upang umiyak dahil, katulad nina Inay at Itay, pagod na pagod na rin si Ate. Ngunit sa harap ng kaniyang mga kapatid, palagi silang nakangiti, matatag, at tila walang iniindang pagod.


Katulad ni Nanay, wala na ring oras si Ate para sa sarili niya. Bago pa sumikat ang araw, siya ang palaging unang nagigising para makaligo nang maaga, magluto ng almusal, mag handa ng mga gamit ng kaniyang mga kapatid, magplantsa, at mag-init ng tubig. Wala na siyang panahon para magkape sa umaga dahil, sa oras na gumigising na ang kaniyang mga kapatid, aasikasuhin na niya ang mga ito.


Maraming beses na niyang isinantabi ang kaniyang mga kagustuhan—isinantabi ang pag-aaral para makatulong sa gastusin o huminto sa pag-aaral upang makatapos ang kaniyang mga kapatid sa kanilang pag-aaral. Ang sariling kasiyahan ni Ate ay nakakubli sa kalagayan ng pamilya.


Hindi niya ginagawa ang mga ito dahil siya ang ate o dahil kailangan, kundi dahil sa pagmamahal. Ang bawat sakripisyo ay tahimik lamang; wala siyang hinihinging kapalit at hindi siya naghahangad ng papuri galing sa iba.


Si ate ang tumatayo bilang nanay at hindi lamang isang kapatid. Siya ay maituturing na isang bayani—isang bayani na walang suot na kapa sa kaniyang likod, walang kapangyarihan o brilyanteng lumalabas sa kaniyang mga kamay, kundi mayroon siyang puso na higit pa sa sapat upang mahalin ang kaniyang pamilya.


Si Ate na kayang ibigay ang lahat para sa kaniyang pamilya, kahit yung tipong ulam na sana niya para sa buong araw ay ibibigay niya sa kaniyang mga kapatid. Ang kaniyang kuwento ay nagpapaalala na sa bawat tahanan, may pagmamahal na hindi kayang tumbasan ng kahit magkanong pera o salapi. Kung kaya't ang Araw ng mga Ina ay hindi lamang para kay Nanay, kundi para na rin kay Ate na nagsisilbi na ring ilaw ng tahanan.

Comments


Top Stories

Stay updated with the latest news from Pulilan. Subscribe to our newsletter for instant updates.

Contact us

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter

© 2023 by Pulilan News Hub. All rights reserved.

bottom of page